Home Top Story 1 patay sa hinoldap na armored van; P6.8 milyon tangay

1 patay sa hinoldap na armored van; P6.8 milyon tangay

536
0
SHARE

BALAGTAS, Bulacan — Isang 44-anyos na driver/security guard ang napatay sa naganap na holdapan ng armored van sa likod ng shopping mall sa Barangay Burol, sa nasambit na bayan noong Biyernes ng gabi.

Tinangay naman ng anim na armadong kalalakihan ang halagang P6.8 milyon na laman ng armored van.

Base sa ulat, kinilala ang biktima na si Jorlito Alarba, driver/security guard ng Royal Mandarin Agency sa San Francisco Del Monte, Quezon City, ay natagpuang walang ng buhay sa loob ng inabandonang armored van ilang minuto matapos ang holdapan.

Inatasan ni P/Sr. Supt. Romeo Caramat Jr., Bulacan Provincial Director si Chief Insp. Restituto Granil, Balagtas police chief, na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa naganap na holdapan at tignan ang angulong “inside job”.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon. bandang alas-6:30 ng gabi noong Biyernes nang makatanggap ng tawag ang Balagtas police mula kay Redenjune Salazar, team leader ng Armored Transport Plus Inc. (ATPI) na nag-ulat na nawawala ang kanilang armored van   na may plakang RGF-193 at may posibilidad na tinangay ng mga holdaper.

Ilang minuto ang lumipas nang makatanggap ng impormasyon si Granil na nakita ang nawawalang armored van sa bakanteng lote ng Manila North Road, dating MacArthur Hi-way, Brgy. Borol 1st, Balagtas, Bulacan.

Agad na tinungo ng Balagtas police ang lugar at natagpuan ang armored van na umaandar ang makina habang naliligo sa sariling dugo ang biktima at may tama ng bala ng baril sa ulo.

Narekober sa loob ng armored van ang basyo ng bala ng cal .45 pistol at mga personal na kagamitan kasama ang 12 gauge shotgun service firearm ng biktima at mga natirang pera.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here