Home National News 2 ginang at 4 paslit, ‘nilamon’ ng apoy sa Parañaque

2 ginang at 4 paslit, ‘nilamon’ ng apoy sa Parañaque

242
0
SHARE

PATAY ang dalawang ginang at 4 na mga paslit makaraang sumiklab ang sunog sa gusali na kanilang tinitirahan sa Barangay Tambo, Parañaque City nu’ng Miyerkules ng gabi.

Nakilala ng Parañaque Bureau of Fire Protection ang mga namatay na biktima na sina Marie Joy de Jesus, 27-anyos, gayundin ang kanyang mga anak na sina Jomari Canaria, 6 at Daniel Luis Canaria, 10, at ang tiyahin nito na si Ana Donna Agrasada, 26-anyos at ang mga anak nitong sina Jake Amata, 6, at Jake Angelo Amata, 3.

Ang mga nasunog na mga biktima ay natagpuan ng mga bumbero sa ground floor ng may tatlong palapag na gusaling tinatawag na “Bahay na Bato,” ayon sa imbestigasyon ni chief arson investigator Senior Inspector Wilson Tana ng Parañaque Bureau of Fire Protection.

Gayunman, may hinala ang mga kagawad ng pamatay sunog na nagmula ang mga bangkay ng mga biktima sa ikalawang palapag matapos na bumigay ang flooring nito.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga nabanggit na otoridad ang nauna nilang pagsisiyasat na posibleng naglaro ng mga posposo ang naturang mga bata sa ikalawang palapag ng gusali na humantong sa paglaki ng apoy dulot na rin ng dikit-dikit na mga tirahan at ng mga iligal na koneksiyon ng kuryente sa nasabing lugar, ayon kay Fire Superintendent Robert Pacis.

Itinuturing ng Bureau of Fire Protection (BFP) na fire hazard o mapanganib sa sunog ang tatlong palapag na gusali na dating abandonado subalit ginawa itong tirahan ng may 400 pamilya. Kaya inirekomenda nitong huwag nang pabalikin pa ang mga naninirahan doon.

Gayon na lamang ang paghagulgol ng mga mag-anak at ng mga residente roon nang masaksihan nila ang unang dalawang bangkay na inilalabas ng mga bumbero mula sa nasunog na gusali.

Halos himatayin sa tindi ng paghagulgol si Aling Mary Beth Antiel na nanay ni Marie Joy at kapatid ni Ana Donna matapos mabatid na naiwan sa loob ang kanyang kapatid, mga pamangkin, anak at mga apo nang buhay kung saan nawalan na siya ng pag-asa na makita pa ito.

Halos apat na oras ang tinagal ng sunog bago ito tuluyang naapula ng mga bumbero ng bandang alas 9:45 ng gabi buhat nang magsimula ito ng dakong alas-6 ng gabi at naitala sa 50 pamilya ang nasunugan. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here