Home Editorial 2019 SEA Games gaganapin sa bansa

2019 SEA Games gaganapin sa bansa

363
0
SHARE

Ang Pilipinas ang nakakuha para maging punong-abala o host ng Southeast Asian Games o SEA Games sa taong 2019, ang ika-30 edisyon ng paligsahan.

Ito ay kinabibilangan ng 11 bansa na sakop ng Southeast Asia tulad ng mga bansang  Republic of Indonesia, Kingdom of Cambodia, Brunei, Laos, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore,  Thailand, Democratic Republic of Timor-Leste at Socialist Republic of Vietnam.

Ang Brunei Darussalam ang orihinal na host subalit hindi ito natuloy dahil sa kakulangan ng preparasyon at iba pang kadahilanan.

Ito ay pamumunuan ni Senator Alan Peter Cayetano. Dapat ngayon pa lang ay simulan na ang paghahanda para sa paligsahan na ito. Kailangan natin ng bagong sports facilities.

Hindi na maaaring gamitin ang lumang Rizal Memorial Coliseum na may 8,000 seating capacity lamang.

Marahil ang dapat na gamitin ay ang Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan at ang Clark Field sa Pampanga. Ang Philippine Arena ay may maximum seating capacity na 51,898 at itinuturing na World’s Largest Indoor Arena.

Samantalang ang Clark Field naman ay isa’t kalahating oras lamang ang layo sa mula sa Maynila. Maaaring manirahan ang mga delegado sa mga hotel sa Clark Field at ilang hotel sa Quezon City.

Ang kailangan lang ay isang venue ang gamitin sa opening at closing ceremonies ng paligsahan. Maaari rin magtalaga ng sports venues sa Cebu.

Ang Philippine Arena marahil ang maging sentro ng paligsahan.

Subalit bago maisakatuparan ang pagsasaayos ng sports facilities, dapat ay magkaisa at magtulungan ang mga sports associations ng bansa.

Nakalulungkot dahil hindi maganda ang ugnayan ng Philippine Olympic Committee (POC) sa ilang sports associations.

Dapat tulungan ng mga sports association leaders si Senator Alan Peter Ca­yetano sa paghahanda sa nasabing paligsahan.

Dapat magkasundo na ang mga association leaders upang maging maayos at matagumpay ang paghahanda sa paligsahan. Kailangan na rin simulan ang pagpili, paghahanda, at pagsasanay sa mga atleta na lalahok sa 2019 SEA Games.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here