Pangarap na tulay na mag-uugnay sa San Miguel at DRT, pinasinayaan

0
110
Pinangunahan ni Rep. Lorna Silverio (kanan) kasama sina DRT Mayor Marita Flores at kanyang asawa na si Vice Mayor Ronald T. Flores, DPWH 2nd Bulacan Engineering District D.E. Ramiro Cruz, San Miguel's Municipal Administrator Ferdinand Tiongson ang pagpapasinaya at pagbabasbas ng bagong gawang Tulay ng Sityo Brown sa Malapad na Parang, Barangay Sibul, San Miguel Bulacan nu'ng Sabado, February 15, 2020. (Kuha ni Roseth Reyes)

SAN MIGUEL, Bulacan — Ang pangarap na tulay na mag-uugnay sa bayan ng San Miguel at Doña Remedios Trinidad ay tuluyan nang binasbasan at pinasinayaan nu’ng Sabado (Feb. 15).

Binasbasan ni Rev. Fr. Rodolfo Colendrino ang bagong tulay sa Malapad na Parang sa Brgy. Sibul, San Miguel, Bulacan nu’ng Sabado, February 15, 2020. Ang nasabing tulay na may halagang PHP46 milyon ay mula sa pondo ni Congw. Silverio ay may habang 105 linear meters at lapad na 7.32 meters. (Kuha ni Roseth Reyes)

Pormal nang madaraanan at magagamit ng mga residente ng Brgy. Sibul sa bayan ng San Miguel at Brgy. Kalawakan sa bayan ng DRT ang Tulay ng Sityo Brown sa Malapad na Parang na halos natengga ang konstraksyon ng ilang taon.

Ang pagpapasinaya ng Tulay ng Sityo Brown ay pinangunahan nina Bulacan 3rd District Rep. Lorna Silverio, Department of Public Works and Highway (DPWH) Bulacan 2nd District Engineering Office district engineer Ramiro Cruz at Doña Remedios Trinidad Mayor Marita Flores at ang kanyang asawa na si Vice Mayor Ronaldo Flores.

Ang nasabing tulay na may umabot sa halagang PHP46 milyon ay galing sa pndo ni Congw. Silverio ay may habang 105 linear meters at lapad na 7.32 meters.

Ayon sa naturang kongresista, ang tulay ng Sityo Brown ay tulay na pinangarap ng mga residente sa naturang barangay.

Si Rep. Lorna Silverio habang nagbibigay ng kanyang pahayag kung ano ang kahalagahan ng Tulay ng Sityo Brown. (Kuha ni Roseth Reyes)

Binigyang diin ni Congw. Silverio ang kahalagahan ng tulay dahil magbibigay ito ng mas mahusay at mas ligtas na daanan sa mga mag-aaral at magsasaka sa magkabilang bayan ng San Miguel at DRT.

“Ang mga mag-aaral dito ay wala nang dahilan ngayon na hindi makakapasok sa kanilang mga eskwelahan dahil mataas ang tubig sa ilog at mahihirapan silang tumawid. Ang pangarap na tulay ng mga taga-rito — ang Sityo Brown Bridge — ay tapos na at handa nang gamitin. Ang mga mag-aaral ay hindi na tatawid sa ilog gamit ang bangka o balsa (kahoy na balsa) sa pagpasok sa paaralan,” sabi ni Silverio sa kanyang talumpati sa panahon ng pagpapasinaya.

Dagdag pa ni Congw. Silverio na ang tulay ay bahagi ng kanyang mga plano sa pag-unlad para sa mga bayan ng Angat, Doña Remedios Trinidad, Norzagaray, San Ildefonso, San Miguel, at San Rafael sa ilalim ng ikatlong distrito ng Bulacan.

Si DE Ramiro Cruz kasama ang mga inhinyero sa Bulacan 2nd District Engineering Office, ang naging abala sa pagagawa ng Sitio Brown Bridge. (Kuha ni Roseth Reyes)

“Sinusubukan kong maabot at maglingkod sa bawat sulok ng ikatlong distrito. Ipinangako ko sa kanila na walang bayan ang maiiwan, ”sabi ni Silverio.

Nagpasalamat naman si Mayor Flores ng DRT sa mga inisyatibong ipinakita ni Congw. Silverio para matapos ang tulay ay magamit na ng mga residente dito na dati ay hirap na hirap na pagtawid sa ilog.

“Congresswoman Lorna (Silverio), mangyaring patuloy na tulungan kami at huwag mapagod sa paggawa ng mga mahahalagang proyekto para sa aming komunidad,” sabi ni Flores.
Samantala, humingi ng tawad si District Engineer Cruz sa pagkaantala at ilang mga problema na dala ng pagtatayo ng Sityo Brown Bridge na, aniya, ay bahagi ng mga pangunahing proyekto ng DPWH.

Sinabi DE Cruz na ang Tulay ng Sityo Brown ay bahagi rin ng mahabang listahan ng mga proyektong pang-imprastraktura ng DPWH sa pamumuno ni Sec. Mark Villar at sa ilalim ng programa na ‘Build, Build, Build’ ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dumalo rin sa naturang inagurasyon at pagbabasbas ng nasabing tulay sina San Rafael Vice Mayor Edison Veneracion, administrasyong munisipal ng San Miguel na si Ferdinand Tiongson, chairman ng Barangay Sibul na si Laureano “Bogart” Ligon, Kapitan ng Barangay Kalawakan na si Milagros Manguiat, mga guro at mag-aaral ng Sibul Elementary School at John J. Russel Memorial High School at mga residente ng nasambit na barangay.

Ang bagong gawang Tulay ng Sityo Brown ay isa sa mga adbokasiya ni Congresswoman Lorna Silverio sa panahon ng kanyang pagbabalik sa Kongreso noong 2016.

SA kanyang pagdalaw sa mga kasuluk-sulukan ng ikatlong distrito ng Bulacan ay nakita niya ang mahirap na kalagayan ng mga residente ng Sityo Malapad na Parang sa Brgy. Sibul, San MIguel at ilang sityo sa DRT na tinatawid ang delikadong ilog upang makarating sa kanilang trabaho, eskwelahan at iba pang paroroonan.

Ito ang nag-udyok kay Congw. Silverio upang pagpursigehan ang pagpapagawa ng tulay na makatutulong nang malaki sa pang araw-araw na pamumuhay ng mga ka-distrito sa nasabing lugar. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here