Home National News 3 ginang arestado sa ‘pambubudol’ sa isang guro sa Santa Maria

3 ginang arestado sa ‘pambubudol’ sa isang guro sa Santa Maria

1301
0
SHARE
Kinakausap ni P/Lt. Col. Carl Omar Fiel, Hepe ng Pulis ng Santa Maria, ang tatlong suspek sa pambubudol sa isang guro. (Kuha ni Jose Erwin Bunag)

SANTA MARIA, Bulacan — Arestado sa inilatag na entrapment operation ang tatlong babae na nambudol-budol at nagsanla umano ng pekeng titulo ng lupa sa isang guro sa nasabing bayan nu’ng Sabado (Oct. 26).

Sa ulat ni P/Lt. Col. Carl Omar Fiel, hepe ng pulis sa nasabing bayan, kinilala ang mga suspek na sina Jennifer Hernandez, 42-anyos, catering helper, residente ng Brgy. Parada; Virginita Hirang, 40 at Jeannie Rafael, 39, kapwa taga-Brgy. San Vicente sa bayan ng Santa Maria.

Ayon kay Fiel, nangyari ang modus ng tatlo sa biktimang kinilalang si Ericka Joy Penaroyo sa Brgy. San Vicente noong September 25.

Dagdag pa ng guro na napapayag o nakumbinse umano siya ng mga suspek na magbigay ng halagang P50,000 para sa isinanlang titulo ng lupa.

Nagduda umano ang guro sa isinanlang titulo kaya beneripika nito sa Registry of Deeds ang nasabing dokumento at nalamang peke ito.

Noong October 26 ay muli siyang kinontak ng mga suspek para magpadagdag ng halagang P70,000 subalit ipinagbigay-alam na nito sa barangay at pulisya.

Agad nagsagawa ng entrapment operation ang pulisya kasama ang biktima na nagbigay ng marked money sa mga suspek.

Sa kuhang video mula sa cellphone dumating ang biktima sa puwesto ng tatlong suspek at nang maiabot ang marked money ay agad inaresto ng mga pulis ang 3 suspek

Ayon sa suspek na si Hernandez minana niya ang lupa at hindi niya alam na peke ang titulong isinanla nila.

Binigyan niya umano sina Hirang at Rafael ng P18,000 habang ang kabuuan ng pera ay napunta sa kanya.

Sa panayam ng RONDA BALITA Online kay P/Lt. Col. Fiel sinabi nito na nakumbinse ang biktima dahil sa murang pagkakasanla at sa modus o istilong budol-budol ng tatlo.

Nanawagan naman si Fiel sa mga posible pang mga naging biktima ng tatlong suspek na pumunta sa kanilang himpilan para masampahan ng karagdagang kaso ang tatlo.

Sa salaysay naman ng biktimang si Penaroyo, nagmaka-awa ang suspek na si Hernandez na kunin ang kanilang isinasanlang lupa dahil sa kanyang ina ay nasa ospital.

Aniya, nagberipika siya sa ospital na tinukoy ni Hernandez na nandoon ang ina nito ngunit napag-alaman niya na walang naka-confined doon.

Iginiit naman nina Rafael at Hirang na hindi nila alam na peke ang titulo at tinulungan lamang nila si Hernandez na makahanap ng pagsasanlaan.

Nahaharap sa kasong estafaswindling case at falsification of public documents ang mga suspek na pansamantalang nakapiit sa Santa Maria Custodial Facility. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here