3 katao sinalvage, itinapon sa Plaridel Bypass Road

0
578

BUSTOS, Bulacan — Tatlong hindi pa nakikilalang biktima ng summary execution o salvage kabilang ang dalawang babae at isang lalaki na pawang mga nakaposas ang natagpuang patay sa gilid ng kalsada sa Plaridel Bypass Road sa Brgy. Malamig, sa nabanggit na bayan nitong Biyernes ng umaga (Jan. 15).

Ayon kay P/Maj. Jude Bryan Maguddayao, hepe ng Bustos police, tadtad ng tama ng bala ng baril mula sa di pa matukoy na kalibre ang tumapos sa buhay ng tatlong biktima.

Nasa pagitan ng edad 20-25 ang unang biktimang babae na may taas na 5’2 at nakasuot ng white shirt at green na pantalon.

Ang ikalawang biktimang babae ay nasa pagitan ng 40-45 anyos, 5’4 ang taas at nakasuot ng purple printed shirt at itim na leggings, habang ang biktimang lalaki naman ay nasa pagitan ng 30-34 anyos, may taas na 5’2 at nakasuot ng maroon at yellow shirt at puting maong pants.

Sa inisyal na imbestigasyon dakong alas 6:10 ng umaga ng matagpuan ang bangkay ng mga biktima sa gilid ng kalsada sa naturang barangay.

Posible umanong isa namang kaso ng summary execution ang sinapit ng mga biktima.

Sa nakalap na CCTV footage ng mga pulis, lulan ng isang van ang mga biktima nang itinapon ang mga bangkay.

Inaalam pa ng mga otoridad kung saan galing ang nasabing van at pagkakakilanlan ng mga biktima habang patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon sa posibleng motibo sa nasabing krimen.

Kasalukuyang kinakalap ng Bustos police ang mga CCTV footages sa malapit sa lugar upang makatulong sa pagresolba sa kaso. (RONDA BALITA Online) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here