3 Mode ng Flexible Learning, ikinasa ng BulSU simula Oktubre 19

0
229

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nakahanda na ang Bulacan State University o BulSU sa pagbubukas ng virtual na pasukan sa Oktubre 19 sa pamamagitan ng pagpapatupad sa tatlong Flexible Mode of Learning.

Ayon kay BulSU President Cecilia Gascon, kabilang dito ang mga pamamaraan na Synchronous Learning o SL, Asynchronous Online Learning o AOL at Remote Print Learning o RPL.

Nabuo ito matapos magsagawa ang BulSU ng survey sa mga mag-aaral nito.

Lumabas sa survey na ito na iba’t ibang kalagayan ng mga mag-aaral.

Karamihan sa kanila ay may kakayahan na makapag-mobile data na aabot sa 19,759. Mayroong koneksiyon sa Wifi ang 10,038; 3,761 ang naka-Fiber ang internet, 1,223 ang may cable, 128 ang naka-connect sa satellite at 637 ang hindi malinaw o walang internet.

Kaya’t sa paggagayak ng tatlong flexible mode of learnings, ipinaliwanag pa ni Gascon na malayang makapili ang bawat mag-aaral kung anong klaseng mode  ang kanilang gagamitin.

Inirerekomenda niya na piliin ang SL kung ang isang estudyante ay mayroong gadyets gaya ng smartphones, laptop at desktop na may kasamang stable internet connection. Sa SL, live o actual na makakausap ng guro at estudyante ang isa’t isa sa isang aktwal na oras.

Para naman sa AOL, nandiyan pa rin ang pagkakaroon ng mga gadyets at internet connection. Ang pagkakaiba lamang, maaaring pakinggan ang online lectures o instructions ng guro sa oras na maluwag ang estudyante sa isang partikular na linggo.

Dito gagamitin ang mga pamamaraan na email, discussion boards gaya ng messenger, virtual libraries, posted lecture notes at iba pang media types.

Kung ang isang estudyante ay naninirahan sa isang lugar na walang kahit na anong koneksiyon sa internet, ipinapayo ni Gascon na piliin ang RPL.

Sa mode na ito, padadalahan ng printed at iba pang learning materials ang mga mag-aaral sa kanilang tahanan.

Libre itong ipamamahagi ng pamantasan. Lumalabas din sa survey ng BulSU na ang mga mag-aaral na pipili sa ganitong uri ng flexible learning ay pawang kabilang sa tinatawag na economically challenged families.

Kaugnay nito, 76 porsyento sa 20, 453 na mga mag-aaral ng BulSU sa Malolos main campus ay nakapag-enrolled na at 64 porsyento sa 15,230 na nasa mga external campuses.

Para naman sa mga bagong pasok o mga freshmen, 75% na ang enrolled sa 8,310 na mga pumasa sa nakaraang entrance exam at 66% sa 5,430 sa external campuses.  

Source: PIA Bulacan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here