May pera sa pagba-vlog

0
110
EXTRA FONTS, an opinion column by Manny Camua Dela Cruz

NASUSUNDAN ko ang aktibidad ng mga vlogger sa YouTube at ang karamihan sa kanila ay umaabot sa milyon ang views, at libu-libo rin ang kanilang subscribers. Nakaeengganyo talaga dahil ang vloggers mismo ang nagpapatotoo na sila ay kumikita ng malaki sa pagba-vlog.

Simple lang naman ang contents ng kanilang vlogs sa kanilang YouTube channels pero umaani ng maraming views ang kanilang simpleng video clips. Mapapansin din na sumasalit sa video na pinapanood ang advertisements at sa bawat anunsiyong iyon ay doon kumikita ang mga vlogger.

Kaya maraming netizen ang naeengganyong mag-vlog. Napapanood din naman sa YouTube ang vlogs ng mga hindi kilalang vlogger, pero ang karamihan sa mga video na kanilang ini-upload sa YouTube ay hindi umaangat ang rating kaya hindi sila tinatangkilik ng subscriber.  Una, baka hindi maganda o boring ang nilalaman ng kanilang mga video, nilalangaw kumbaga sa paninda kaya ayaw panoorin ng viewers.

Kaya maraming begginer na youtubers ang maagang nangangayaw dahil hindi nila makuha ang pihikang panlasa ng mga manonood. Kailangan din naman kasi na bukod sa magandang video contents, mahusay din ang camera na ginagamit ng vlogger. Puwede rin naman ang smartphone sa pagba-vlog pero kailangang may tripod, external phone at iba pang gadgets para mapaganda ang kuhang video.

Sabi nga ng mga magagaling na vlogger, kahit na simpleng camera lang ang gamit kung maganda naman ang presentasyon ng video at maganda rin ang contents niyon ay tiyak na panonoorin iyon ng viewers. Wika nga, hindi kailangang laging nakapokus sa vlogger ang kanyang kwento dahil sa ganitong estilo nangangayaw ang viewers.

Gusto kong subukan na mag-vlog pero hindi pa ako handa. Kumukuha pa kasi ako ng tips at ideya sa mga kilalang vlogger na daang libo ang kanilang subscribers. Mahirap kasing magpadalus-dalos dahil baka mauwi lang sa wala ang aking effort. Isa pa, kailangan munang maihanda ang mga maayos na gadgets na gagamitin para sa magandang resulta ng videos.

Tulad na lang ng sikat na vlogger na si Japer Sniper, simple lang naman ang kanyang mga video pero tinatangkilik naman ang mga iyon ng kanyang mahigit sa anim na raang subscribers. Bakit?, Dahil sa karakter ni Japer Sniper na humorist. Ang kanyang malakas at malulutong na halakhak ang humahatak sa atensiyon ng mga viewer.

Estilong komedyante, pero hindi naman comedian ang kanyang dating at kung minsan ay seryoso rin naman siya kapag nagbabahagi  ng tulong pinansiyal sa mga nangangailangan. Ang adbokasiya na pagiging good Samaritan ang isa sa mga dahilan kung bakit tinatangkilik ng mga manonood ang vlogs ng mga kilalang youtuber. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here