Hudikatura sa bansang Pilipinas, napaglalaruan ng masasamang elemento!

0
460
Opinion Column by Archie Jimenez

ITO ang malungkot na nagdudumilat na katotohanan, ang hudikatura dito sa ating bansa ay na­paglalaruan ng masasamang elemento o masasamang tao.

Kung sino ‘yung talagang mga biktima ay sila pa ang mga nakakasuhan at naipakukulong.

Tulad na lamang nitong isang ginang ng tahanan na lumapit at nagkuwento ng kanyang naging karanasan sa kung paanong naging mapaglaro ang hudikatura sa kanya.

Ayon kay Gng. Franco (hindi tunay na apelyido) ang kanyang mapait na karanasan ay nagsimula noong lumuwas siya ng Maynila at sumakay ng taxi.

Noong nakasakay na siya ng taxi ay napansin niya na panay umano ang sulyap ng taxi driver sa kanya sa pagitan nang pagtingin gamit ang kanyang salamin.

Habang tumatakbo na ang taxi na kanyang sinasakyan ay napansin niyan nag-spray ng kung anong likido ang driver.

Na matapos umano niyang makitang nag-spray itong driver ay nakaramdam diumano siya ng pagkahilo.

Kaya ng mahinto umano ang taxi dahil sa traffic light ay nagsabi siya sa driver na bababa na siya, habang pakiramdam daw niya ay para na siyang nauupos na kandila.

Pero hindi daw pumayag itong driver na siya ay makababa.

Mabuti na lamang at nakita siya ng isang gasoline boy na kung saan doon sa gasolinahang pinagtatrabahuan nito natapat na nahinto ang taxing kanyang sinasakyan.

Na nang makita umano ng driver na papalapit na yung nakakitang gasoline boy ay saka siya hinayaang makababa at agad na tumalilis na umalis.

Agad umano siyang inalalayan ng gasoline boy sa kanyang pagbaba sa taxi dahil sa nakita nitong nahihilo ang ginang.

Nang mahimasmasan na ang ginang at nakauwi na ng kanilang bahay ay agad niyang naisip na ipost sa Facebook ang mukha ng taxi driver at ng taxing minamaneho nito sa layuning mabigyan ng babala ang mga pasaherong sumasakay ng taxi.

Kinabukasan ay agad na nagharap ng sumbong sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board o LTFRB si Gng. Franco at ipinakita nito ang litrato ng taxi isinumbong na taxi driver.

Ilang buwan ang nakalipas ay dumating sa kanilang bahay ang sulat galing sa LTFRB na ang nilalaman ay sinasabing inabsuwelto nila ang taxi driver dahil sa kakulangan umano ng ebidensiya.

Makaraan ulit ng ilang buwan ay muling may dumating sa kanyang sulat! Pero sa pagkakataong ito ay hindi na galing sa LTFRB kundi galing na sa korte at siya na ngayong ang idinemanda ng taxi driver na tinanggap naman ng piskalya.

Kaya ayon ang kaawa-awang ginang ay hindi na malaman ang kanyang gagawin.

Siya pa ngayon ang pinresyuhan ng taxi driver ng kung gusto raw nitong iurong ang demanda laban sa kanya ay makikipag-ayos lamang siya kung magbabayad ang ginang ng halagang isandaang Libong Piso (P100,000.00)

Kung natatandaan pa ng ating mga mambabasa na naging sikat noon ang modus ng mga taxi driver na nag-ispray sa loob ng taxi na nagiging dahilan para mahilo o mawalan ng malay ang kanilang pasahero.

Na kapag nahilo o nawalan na ng malay ang kanilang pasahero ay saka nila ito pagnanakawan o di kaya’y pinagsasamantalahan .

Kaya nga ang may todong hinanakit na naging katanungan ni Gng. Franco sa mga taong nagpapatupad ng ating Justice System ay “ang alam ko ako ang biktima, bakit ako ngayon ang nakademanda?” pagtatapos na naitanong nito!

*****

Eto pa ang isang insidente ng paglaruan ng mga walanghiya at masasamang elemento o tao ang ating hudikatura.

Ako ay personal kong naging karanasan.

Ako na ang napagnakawan ng malaking halaga, ako pa ang nakasuhan ng imbentong kasong Grave Coercion at Physical Injuries, nagawa kong magpiyansa at nagawa pa rin akong maipakulong ng mga hayup!

Honest Mistake kung matatawag kung mali ngang matatawag ang nangyari kung bakit ako nakulong.

Idineklara noon ng ating pamahalaan ang October 31, na holiday! So ibig sabihin kapag declared na holiday ay walang pasok ang ano mang tanggapan na mapa-pribado o gobyerno.

Noong araw na iyon naka-set ang aming hearing.

Nagpunta ako sa abogado ko para ipaalala nga yong hearing namin sa araw na iyon.

Pero ang sabi ng abogado ko “holiday ngayon, deklarado, kaya walang maghi-hearing.”

In short, hindi na ako nagpunta sa court dahil sa naniwala ako sa sinabi ng aking abogado at narinig ko rin naman sa balita.

Pero anak ng kagang, noong sumunod na pag-attend ko ng aming hearing ay nagulat ako dahil sa hindi na ako hinayaan pang makauwi.

Dahil sa hindi ko nga daw pag-attend noong nakaraan naming hearing.

Nawalang lahat ng saysay ang aking mga naging katuwiran, ayun kulong ng wala sa oras ang matanda.

Samantalang ang hinayupak na nagdemanda sa akin, mula’t sapul ng maisampa ang demanda, ni minsan ay hindi man lang nagpakita eh hindi nila ipinakulong.

Kaya hindi ka nag-iisa Gng. Franco sa malupit mong naging karanasan sa sistema ngayon ng ating hudikatura.

“Hindi ako nahihiyang aminin at sabihing nakulong ako, hindi dahil sa ako ay masama at may ginawang kawalanghiyaan sa aking kapwa. Nakulong ako dahil napaglaruan ng masasamang tao ang ating hudikatura.

Sana sa pagkakataong ito sa ilalim ng pamumuno ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay mabago na ang sistema ng ating hudikatura o justice system.

Mawala na sana yong utang na loob system, kumpare at kakilala system at ang higit sa lahat CORRUPTION!

Maawa kayo sa mga totoong biktima na nakakasuhan n’yo pa!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here