7Up ng Sangguniang Panlungsod ng Malolos, sinampahan ng kaso sa Ombudsman

1
653
TAKLESA, an opinion column by Roseth Reyes

NAPUNO na ang salop ’ika nga sa pelikula ni Fernando Poe Jr. at yan na rin ang nangyari kay Malolos City Vice Mayor Noel Pineda, na napuno na dahil sa patuloy na pagmamatigas ng pitong miyembro ng mayorya ng Sangguniang Panlungsod ng Malolos na lumahok at dumalo sa pormal na pagpupulong.

Pormal nang sinampahan ng kaso ni Vice Mayor Pineda ang pitong konsehal ng “Gross Neglect of Duty” sa Office of the Ombudsman nitong Huwebes (Feb. 18).

Dahil sa hindi pagdalo ng mga sesyon nina Konsehal Nino Carlo Bautista, Francisco Castro, Kirk Louis Nicolas, Enrico Capule, Edgardo Domingo, Miguel Carlos Soto at Dionisio Mendoza kaya walang nagiging QUOROM ang Sangguniang Panlungsod at walang mabubuong mga kapasyahan at kautusan.

At kapag walang quorom, walang mapagtitibay na mga budget sa mga barangay. At kapag alang quorom ang Sangguniang Palungsod, hindi mapagtitibay at maipapatupad ang mga programa at proyekto para sana sa kapakanan ng mga Malolenyo.

“Dahil miyembro ng mayorya ang pitong konsehal kaya ilang pagpupulong na ang hindi nagkakaroon ng quorom at hindi nabibigyan ng opisyal na solusyon ang mga mahahalagang gampanin na idinudulog sa Sangguniang Panlungsod tulad ng pondo ng mga barangay at pondo ng Sangguniang Kabataan,” ani Vice Mayor Pineda.  

Dagdag pa ni Pineda na bagama’t masakit sa kanyang loob na sampahan ng kaso ang kanyang mga dating kasama sa partido pero bilang taga-pangulo ng hapag ay kailangan na niyang gumawa ng aksyon sa patuloy na pagmamatigas ng mga nasabing konsehal na dumalo sa pormal na pagpupulong ng Sangguniang Panlungsod.

Panawagan pa ni Vice Mayor Pineda na unahin ang kabutihan at kapakinabangan ng bawat Malolenyo lalo’t higit ngayong panahon ng pandemya at isantabi ang pulitika at pansariling kapakanan.  

Nakalulungkot ang mga nangyayari sa lungsod ng Malolos. Masyado na yatang kinain ng pulitika ang mga inihalal natin na mamumuno sa bayan. Mga halal ng bayan na magiging boses sana ng Malolenyo sa Konseho.

Nagkawatak-watak at nagkanya-kanya ang mga dating magkakaalyado, magkakaibigan at magkakasama sa iisang layunin. Ano na lungsod ng Malolos, ano na ang ating kakaharaping magandang bukas kung ganito na ang nagaganap sa ating mahal na lungsod?

Gising mga Malolenyo. May karapatan tayong pumuna dahil sa mga halal silang Konsehal at kaban ng lungsod ng nagpapasweldo sa kanila.

Hanggang sa susunod na isyu po ng RONDA Balita, ang Lingguhang Pahayagan ng masang Bulakenyo.

Para sa ibang balita, maglog-on sa www.rondabalita.news.

Babu!  

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0917-205 -3350. (RONDA BALITA Online)

1 COMMENT

  1. Bago ho kayo magkomento at magbalita, alamin nyo muna ang katotohanan, dahil ang “no quorum” na pagdinig ng sanggunian ay hindi naman opisyal na schedule ng pagdinig.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here