Home EXTRAFONTS Ang Diyos naman ang paksang usapin

Ang Diyos naman ang paksang usapin

129
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

UMANI ng iba’t ibang reaksiyon ang naging pahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte, tungkol sa istorya ng paglikha sa daigdig ng Diyos at sa iba’t ibang mga bagay sa lupa, sa tubig at sa himpapawid.

Ang argumentong pinalutang ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati nang maging panauhin sa isang pagtitipon sa Lungsod ng Davao, ay ang pagiging perpekto ng Diyos, ayon sa katuruan ng isang sekta ng relihiyon.

May mga katanungan ang pangulo tungkol sa usaping doltrinal, hinggil sa istorya ng paglalang sa aklat ng Genesis. Kung perpekto daw ang lahat ng nilikha ng Diyos mula sa mga bagay, mga hayop at ang tao, bakit daw lumikha ang Diyos ng ahas na tumukso kina Eva at Adan, na pinagmulan anya ng original sin na bahagi ng katuruang Kristiyano.

Hindi matanggap ni Pangulong Duterte ang katuruan na ang sanggol na nasa tiyan pa lamang ng kanyang ina ay mayroon ng original sin o kasalanang minana kina Eva at Adan, kaya ang kongklusiyon ng pangulo ay estupido ang diyos ng mananampalataya na may gayong uri ng paniniwala na lilikha ang Diyos ng perpektong gawa at pagkatapos ay lilikha rin daw siya ng nilalang na sisira sa kalidad ng kanyang nilikha.

Pero kumambiyo naman ang pangulo at kanyang sinabi na ang kanyang kinikilalang Diyos ay perpekto, hindi anya katulad ng diyos na pinaniniwalaan ng relihiyon na kanyang binabatikos.

Naniniwala si Duterte sa maylikha ng uniberso na sa kabila ng bilyun bilyong planeta sa ating solar system at sa iba pang sistema sa buong universe ay hindi nagbabanggaan. Kung wala anyang makapangyarihang kumokontrol sa galaw ng mga bituin ay magbabanggaan ang mga iyon at ang makapangyarihang iyon ang kinikilala niyang Diyos, hindi anya ang diyos ng relihiyon dahil Hindi raw siya naniniwala sa relihiyon

Ayon naman sa mga bible schoolar, ang mga aklat na nakapaloob sa biblia ay kinasihan ng Diyos. Ang banal na espiritu ng Diyos ang nagbibigay ng daan upang maunawaan ang mga talinhaga at mga salitang nakasulat sa banal na kasulatan.

Kahit nga si Nicodemo na isang guro sa kasulatan sa panahon ni Jesus Christ ay hindi naunawaan ang talinhaga ni Jesus tungkol sa isang biblical verse na kailangang ipanganak na muli ang tao upang makapasok sa kaharian ng Diyos.

Ang argumento ni Nicodemo: “Paanong maipapanganak na muli ang tao? Kailangan pa bang bumalik sa bahay-bata ng kanyang ina ang isang tao na nasa hustong kalagayan para ipanganak na muli?”

Literal ang pagkaunawa ni Nicodemo sa talinhaga ni Jesus Christ. Ang kauhulugan niyon ay ang pagbabalik-loob ng tao sa Diyos, mula sa pagiging sinner upang maging born again Christian.

Mahirap talagang unawain ang biblia sa mga tao na marumi ang uri ng pamumuhay dahil ang mga marurunong sa mundong ito na umaasa na lamang sa kanyang sariling lakas, sariling kaisipan at abilidad ay mangmang sa paningin ng Diyos.

SHARE
Previous articleMalaysian passport gamit ni Ninoy nang mapatay
Next articleKawawang mga SK Kagawad
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here