Home Feature Story Angat River: Sagana sa isdang nahuhuli

Angat River: Sagana sa isdang nahuhuli

32
0
SHARE
Madaling-araw ng manglambat ng isda sina Ruben Lucas, Gani Lucas at Nestor Vinta sa Angat River. Sumisikat na ang araw ay marami na silang huling isda.

PLARIDEL, Bulacan — Napakarami ng isdang nahuhuli ngayon sa Ilog Angat, ayon sa mga mangingisda sa Barangay Sipat, sa nasabing bayan.

Ang iba’t ibang uri ng isda na nahuhuli sa Angat River.

Karaniwan ng makikitang nangingisda sa naturang ilog ang magkakapatid na Bayani, Raul, Isagani at Ruben Lucas. Nakakasama rin nila ang kabarangay at dating kagawad Nestor Vinta sa pamamalakaya.

Noong mga nakaraang dekada, na hindi pa umaangat ang industriyalisasyon sa Bulacan at mga karatig na lalawigan, ang Ilog Angat ang siyang pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga mamamayan sa kanayunan, bukod pa ang trabaho sa bukid.

Masyadong abala ang Angat River noon. Paroo’t parito ang mga banggang de-motor ng mga mangingisda na karamihan sa kanila ay buhat pa sa karatig bayan ng Calumpit. Dahil sa rami ng mga mangingisdang namamalakaya sa ilog na iyon, may pagkakataon na halos wala nang mahuli ang mga mangingisda sa barangay Sipat, dulot ng over fishing.

Sa paglipas ng mga taon hanggang sa maabot natin ang maunlad na larangan ng telekomunikasyon at ang industriya manupaktura ay patuloy na yumayabong, maging ang larangan ng imprastraktura ay nakipagsabayan din sa mabilis makabagong larangan ay naisantabi na ng mga mamamayan ng barangay ang pangingisda.

Nauso na rin ang pagnenegosyo sa ilog, ang pagpapalago ng kangkong sa ilog. Sa halip na pangingisda ay pagkakangkong ang pinagkakaabalahan ngayon ng mga mamamalakaya sa Ilog Angat.

Dahil sa kakulangan ng mga mangingisda, ang iba’t ibang uri ng isdang-tabang ay lumobo ang populasyon. Kung noong dekada 80 ay nababasyo ang bawat hagis ng lambat o dala, ngayon naman sa isang hagis lamang ng dala ay halos mapunit ang lambat sa rami ng nahuhuling isda.

Kung noon ay inaabot ng magdamag ang mga mangingisda sa pamamalakaya sa ilog, ngayon ay loob ng isa hanggang dalawang oras na pangingisda ay halos mapuno ang bangka sa dami ng nahuhuling isda.

Karaniwang nahuhuli sa Angat River ang taylan, bikaw at iba pang uri ng isda. Hindi na rin tinatangkilik ng nakararaming mamamayan ng barangay ang isdang huli sa ilog at sa halip ay umaasa na lamang sa isdang-dagat at isdang-palaisdaan na nabibili sa tiangge at palengke.

Magkaiba kasi ang lasa ng isdang ilog, kumpara sa galunggong, hasa-hasa, isdang pula, dalagang-bukid at iba pang isdang-alat. Matabang ang isdang huli sa ilog kaya hindi mabili sa pamilihan. Kaya ang ginagawa ng mga mangingisda ay iniluluwas sa kanilang mga kaanak sa Metro Manila, ang mga isdang nahuhuli sa ilog.

Kaya lumalaki at nagiging invasive species ang mga isdang taylan at bikaw sa Angat River. Ang mga isdang ito rin ang umubos ng mga katutubong isda na nahuhuli sa ilog tulad ng biya, kitang, malakapas, kanduli, lukaok (ayungin), liwalo at alugasin. Ang mga katutubong isdang ito ay masarap ang lasa. Nakapanghihinayang ang pagkaubos ng mga lamang-tubig na ito. (RONDA BALITA Online)

SHARE
Previous article846 rebels, supporters in CL surrender to Army units in 2019
Next articleFlyover sa crossing ng Plaridel Bypass sa Bustos, itinatayo na
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here