Home EXTRAFONTS Apolitical ang barangay

Apolitical ang barangay

11
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

KAMAKAILAN ay binalaan ng pamunuan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay official sa buong bansa na manatili sa kalagayang apolitical at huwag mag-endorso ng mga kandidatong nangangampanya para sa darating na midterm election sa Mayo 13, 2019.

May lumabas na ulat na may 52 barangay official ang kinasuhan ng Comelec makaraang ireklamo ng DILG dahil sa pakikilahok sa partisan politics. Ito ay sa kabila ng kautusan ng DILG na hindi dapat makilahok ang sinumang barangay official sa kampanyahan sa pulitika.

Matagal nang pinaiiral ng DILG ang nasabing kautusan mula ng matatag ang naturang ahensiya subalit binabalewala ito ng mga opisyal ng barangay. Noong nakaraang halalang pambarangay, nangyari ang partisan politics. May nagsabi kasing kandidato na sila ay ay nakabilang sa pangkat ng administrasyon.

Isa sa mga dahilan kung bakit may mga lumalabag sa nasabing kautusan ay sa dahilang may mga lokal na opisyal na pilit na idinidikit sa kanilang political parties ang mga opisyal ng barangay lalo na ang mga kapitan ng barangay.

Kaya kapag si kapitan ay nakatali na sa asintas ng kanilang alkalde sumusunod na rin ang kanilang mga kagawad kaya ang nangyayari, nagiging partisano ang mga opisyal ng barangay.

Nangyayari din na nagkakakulay-pulitika ang halalang pambarangay dahil sa impluwensiya ng mga alkalde. Iniisip ng mga kandidato sa halalang lokal na kabilang sa partisan politics ang barangay officials gayong ang barangay ay apolitical.

Ang ganitong praktis ay matagal nang nangyayari at nito ngang maghigpit ang DILG sa panahon ng pamumuno ni Secretary Edurado Año ay saka pa lamang naipatupad ang paghihigpit sa mga nanunungkulang opisyal ng barangay na huwag makilahok sa isinasagawang pangangampanya ng mga pulitiko.

Ang mga concerned barangay residents kasi ang unang nagrereklamo sa DILG kapag may nakita silang iregularidad sa barangay tulad nang pagsama ng kapitan ng barangay at mga kagawad sa campaign sorties ng nga kandidatong alkalde at mga konsehal.

Nangyayari pa na may mga kapitan ng barangay na nagsusuot ng uniporme ng mga kandidato upang ipakita na sila ay kakampi at kapartido samantalang hindi naman pwede ang gayon kaya kapag nakuhanan sila ng litrato ng kanilang mga kalaban ay ikakatwiran na pinupulitika lang sila.

Hindi rin maiwasan na may mga barangay kagawad at kapitan ng barangay na nagsisipsip sa kanilang kandidatong meyor na nagkukunwari na ang kanilang ginagawa ay para sa barangay pero ang totoo, sa pansariling interes lang ang kanilang ginagawang pagdikit sa kandidatong alkalde.

Ito ngayon ang malaking katanungan. Kaya bang tindigan ng mga mamamayang nagreklamo sa Comelec ang kanilang reklamo hinggil sa ginawang paglahok sa partisan politics ng kanilang mga opisyal ng barangay?

Kung hindi kasi sila magpapartisipa sa kaso na isinampa ng Comelec laban sa mga pasaway na barangay officials sa kaukulang korte bilang mga witness ay tiyak na hindi uusad ang kaso dahil sa kawalan ng saksi. Ito pa ang tanong. Kaya ba nilang harapin sa hukuman ang mga kabarangay nila na pawang barangay official na kanilang isinumbong?

Tamang nakuhanan nila ng litrato ang mga barangay official na ipinangangampanya ang kanilang alkalde maging ang mga kagawad, mapatutunayan ba nila ang katotohanan ng kanilang sumbong? Sila lamang ang makasasagot sa mga katanungang ito. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleMainstream media natatalo na ng social network
Next articleAng paghatol sa balota
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here