Home National News Araw-araw na pagkain ng Brown Rice, isinusulong ng NFA sa Bulacan

Araw-araw na pagkain ng Brown Rice, isinusulong ng NFA sa Bulacan

130
0
SHARE
Kasalo ni National Food Authority (NFA)-Bulacan Provincial Manager Elvira Obana ang mga lokal na opisyal ng mga barangay sa Malolos sa pagkain ng Brown Rice bilang pagdiriwang ng National Rice Awareness Month.

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Hangad ng National Food Authority (NFA) na gawing regular na ang pagkain ng Brown Rice ng mga Bulakenyo.

Sa pagdiriwang ng National Rice Awareness Month, simbulikong nagsagawa ng sabay-sabay ng pagkain ng Brown Rice ang mga opisyal ng barangay sa Malolos sa pangunguna ng NFA. Inilatag ang kilu-kilong Brown Rice sa dahon ng saging na binaunan ng Adobong Manok, inihaw na Liempong Baboy, pritong isdang Tilapia, pinausukang Sitaw, inihaw na Talong at kinayas na Kamatis.

Ayon kay Elvira Obana, provincial manager ng NFA, “kung maipapakilala nang husto ang Brown Rice sa mga Bulakenyo, mas bababa pa ang presyo nito sa pamilihan. Magandang maging araw-araw na pagkain nito dahil taglay ng Brown Rice ang mga vitamins para lumakas ang ating immune system. Magandang prevention ito para makaiwas sa sakit at iyon namang mga masasakitin eh hindi magkasakit. Mabuti rin ito sa mga diabetic dahil nakakapagpababa ng Sugar ang Brown Rice.”

Bukod sa pagsusulong na araw-arawin ang pagkain ng Brown Rice, hinikayat din ng NFA ang mga Bulakenyo na subukan ding itong ihain sa mga handaan gaya ng birthday party, pista at iba pang mga okasyon na dinarayo ng karamihan ng taumbayan. Binigyang diin pa ni Obana na “kakaunti pa kasi ang nakakaalam kung ano ang nutritional value sapagkat mas maganda talagang kainin ang Brown Rice dahil itinatanim ito na organiko ang mga pataba. Ang magiging pambili ng gamot eh ipambili na lang ng Brown Rice.”

Kumpara sa karaniwang Palay, ang pagtatanim ng Brown Rice ay mas mahaba ang panahon ng pag-aalaga at maselan. Sa ngayon, walang malawakang taniman ng Brown Rice sa Bulacan kaya’t nais din ng NFA na magkaroon ng programang magiging malawakan at malakihan ang pagtatanim nito.

Kabilang ang Brown Rice sa mga nasa klasipikasyong Special Rice kung ito’y bibilin sa mga pamilihan. Matatandaan na nilimitahan ng Department of Agriculture (DA) sa apat ang mga katawagan sa klase ng Bigas na itinitinda. Ito ang Premium, Well-milled, regular milled at special kung saan kabilang ang Brown Rice. Ayon pa kay Obana, hindi na rin halos nalalayo ang presyo ng Brown Rice sa presyo ng mga nabibiling komersiyal na Bigas mula halagang P44 hanggang P50 kada kilo.

Source: PIA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here