Asymptomatics: Lets get ready to rumble!

0
489
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

TUWING may malalaking laban sa pro-boxing, tulad ng mga nakaraang laban ni Manny Pacquiao, lagi nating naririnig ang malakas na sigaw ng ring announcer na si Michael Buffer, ang pamosong slogan na “Let’s get ready to rumble!” matapos niyang ipakilala ang dalawang magbabakbakan sa lonang parisukat.

Nang maglaban sina Manny Pacquiao at Oscar Larios, noong July 2, 2006, na may pamagat na “Mano-A-Mano” at Thrilla in Manila 2, ay matinding bakbakan ang ating napanood. Wika nga, matira ang matibay. Si Michael Buffer din ang ring announcer sa labang iyon na ginawa rito sa Pilipinas, sa Araneta Coliseum. Si Manny ang nagwagi sa labang iyon.

Dito naman sa laban ng mundo at ng mga Pilipino sa Covid 19, tila hindi seryoso ang mga kababayan natin kung paano maiiwasan ang kontaminasyon ng corona virus. Mahigit nang dalawang buwan na nakikipaglaban ang mga health frontliner sa virus na ito at marami na ring nalagas sa kanilang hanay.

Mula sa Enhanced Community Quarantine ay todo higpit ang ginawa ng ating gobyerno upang maiwasan ang paghahawahan. Hindi naman kasi nakikita ang kalaban. Ipinatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang operasyon ng public transportation sa lupa, sa himpapawid at sa tubig. Ipinasara ang mga business establishment at ang naiwang nabukas o operational ay ang nasa essential services.

Dahil doon, napabagal ang kontaminasyon ng Covid, at dahil may lockdown, maraming trabahador ang natigil sa trabaho. Maraming negosyo ang tumigil din at ang kasunod niyon ay ang pamamahagi ng mga LGU ng food packs sa mga Pilipinong naka home quarantine.

Dahil na rin sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF), na ibaba sa General Community Quarantine ang maraming lugar sa Luzon, kasama ang National Capital Region; maraming lalawigan sa Region 3, ang humiling na ilagay sila sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) Ang bahagyang pagluluwag sa kalagayang ito ay sinamantala pa rin ng mga Bulakenyong sabik sa paggala.

Nang magbukas ang mga kilalang mall sa lalawigan ay humugos ang mga tao roon. Dumami ang mga sasakyan sa kalye at ang mga pamilihan ay dinumog ng mga tao. Binalewala ang social distancing. Nagsawa na ring magsuot ng face mask ang mga pasaway Hindi alintana ang paghahawahan. Hindi nila kinatakutan ang nakamamatay na corona virus desease.

Ang mga asymptomatic, mga taong nagtataglay ng Covid 19 virus na hindi kinakikitaan ng sintomas ng Covid tulad ng ubo, sipon, lagnat at iba pa ay kahalubilo ng mga taong walang virus. Kaya mistulang mano-mano ang laban. Matira ang matibay. Kaya kung sino ang mahina ang katawan o immune system ay sila ang mana-knock out, kumbaga sa boksing.

Kaharap mo na pala at kausap itong mga asymptomatic at dahil malakas din ang katawan ng kausap ng asymptomatic ay magiging asymptomatic na rin siya. Pag-uwi niyanng bahay ay isasalin na niya sa kanyang kapamilya ang Covid virus kaya sila-sila na ang maghahawahan at kakalat sa kanilang mga kapitbahay hanggang sa malaganapan ang buong barangay ng corona virus.

Ganito ang masaklap na larawan sa mga bayan, siyudad at lalawigan na nasa ilalim ng MECQ o GCQ man. Ang gusto ng tao ay malaya na walang naghihigpit sa kanila kaya ang kinatatakutan ng mga health authorities na Second Wave ng Covid 19 pandemic ay nariyan na, ayon kay Health Secretary Francisco Duque.

Wala pang natutuklasang gamot sa Covid at kung meron man ay nasa estado pa rin ng pagsubok o clinical trial. Kaya ang pagiging kampante at pagwawalang-bahala ng mga kababayan nating matitigas ang ulo ay magbubunga ng mas malalang problema.

Talagang darating tayo sa punto na ang mga frontliners ay magsasawa nang magpakabayani. Bakit nga ba isusugal pa nila ang kanilang mga buhay kung itong mga mamamayan na kanilang pinangangalagaan ay hindi natatakot na mahawahan ng corona virus.

Kaya iyan ang gusto ng mga pasaway, mabuti pa ngang sumigaw na lang ng “Let’s get ready to rumble!” ang mga frontliners. Ano pa ang kabuluhan ng sakripisyo at pagpapakahirap ng gobyerno at ng mga volunteer kung ang mga tao na kanilang na pinagsisilbihan ay ayaw sumunod.

Kaya ang mangyayari ay kanya-kanyang pag-iingat na lang. Matira ang matibay. Pero hindi pa huli ang lahat. Habang may nalalabi pang panahon ay dapat na magbago ng gawi ang mga kababayan nating matitigas ang ulo. Kung ayaw pa rin nilang pasakop sa batas at sa mga patakarang ipinaiiral sa ay ihanda na natin ang ating mga sarili sa mas matinding pandemya bunsod ng pagwawalang-bahala. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here