Babae na sangkot sa P100-M investment scam, patay sa pananambang sa Bulakan

0
1130
Ang biktima na si Maureen Tapia Rizabal na walang awang pinagbabaril ng riding in tandem assassins habang lulan ito ng tricycle nu'ng Sabado ng tanghali (March 14). (Inset) Si Rizabal ng siya ay sampahan ng kaso nung nakaraang taon sa P100-M investment scam kasama ang kanyang mister. (Kuha ni Jose Erwin Bunag)

BULAKAN, Bulacan — Patay ang isang 39 anyos na babae na kalalaya lamang dahil sa kasong P100-M investment scam matapos pagbabarilin ng mga salarin na lulan ng motorsiklo sa Balagtas, Sabado ng tanghali.

Nakilala ang napatay na si Maureen Tapia Rizabal, tubong Brgy. San Jose at kasalukuyang residente ng Brgy.Matungao ng naturang bayan.

Sa panayam ng RONDA BALITA Online sa driver ng tricycle driver na si Joseph San Diego nangyari ang pamamaril bandang 12:05 ng tanghali.

Aniya, nasakay niya ang biktima sa Barangay Matungao papuntang Balagtas nang biglang dikitan at pagbabarilin sila ng riding in tandem na hindi niya namukaan.

Noong una akala niya ay pumutok lamang ang gulong nang pinapasadang tricycle ngunit pinaputukan na pala sila ng mga suspek.

Mabilis na namang tumakas ang mga salarin sa direksyon papuntang Balagtas.

Sinasabing kalalaya lamang ng biktima sa kulungan nitong Enero matapos mapabalitang kinasuhan siya kasama ang kaniyang asawang si Edward Rizabal ng P100-M investment scam sa Bulakan ng mga nagrereklamong natangayan ng pera ilang buwan na ang nakalilipas.

Ayon naman sa kamag-anak ng biktimang si Marissa Mendoza, maghahatid lamang ng pagkain ang biktima sa kanyang asawang nakakulong sa piitan sa District jail sa Balagtas at wala silang nababalitaang banta sa buhay nito.

Nakita sa lugar ang pitong basyo ng bala sa paligid ng tricycle na pinagbulagtaan ng biktima.

Patuloy naman ang pangangalap at imbestigasyon ng pulisya sa naturang pamamaril. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here