Bahay, lupang apektado sa konstruksiyon ng C-6 Expressway project, babayaran — DPWH

0
1274

MAKATATANGGAP ng kabayaran ang mga may-ari ng mga bahay at lupang matatamaan ng itatayong C-6 Expressway o Southeast Metro Manila
Expressway na nakatakdang ipatupad ang konstruksiyon nito sa ikalawang bahagi ng kasalukuyang taon.

Ito ang tiniyak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bunsod na rin ng pangamba ng mga mamamayang maapektuhan ng naturang proyekto ng gobyerno.

Pinasinayaan ng mga opisyal at kawani ng DPWH ang breaking ceremony ng nasabing proyekto na isinagawa sa Taguig City na sinaksihan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan nitong nakalipas na Lunes.

Nakatakdang pasimulan ang pagtatayo ng proyekto sa second quarter ng 2018 at inaasahang matatapos ito sa 2020.

Magkokonekta mula FTI sa Taguig City hanggang sa Batasan sa Quezon City ang unang bahagi ng nabanggit na proyekto at mula naman sa Batasan sa QC hanggang sa San Jose del Monte sa Bulacan ang Ikalawang bahagi nito.

Magmumula naman sa San Jose del Monte sa Bulacan na magkokonekta sa North Luzon Expressway (NLEX) ang Ikatlong bahagi ng proyekto.

May kabuuang P31.3 bilyong halaga ang nabanggit na proyekto na may haba na mahigit 34 na kilometro mula sa Taguig hanggang sa Quezon City.

Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, may benepisyong maidudulot ang proyekto upang mabawasan ang mga sasakyang dumaraan sa EDSA at C-5.

Aniya, layunin ng C6 project na maibsan ang dami ng mga behikulong nagdaraan sa EDSA, C5 at iba pang mga kalsada sa Kalakhang-Maynila at Rizal sa pamamagitan ng pagdudulot ng alternatibong ruta mula sa Parañaque City patungong Quezon City sa pamamagitan ng pagdaan sa mga developing areas ng Taguig, Taytay, Antipolo at San Mateo Rizal. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here