Bakit ba hinaharang ng DOH at NTF and pagbili ng vaccine?

0
113
Opinion Column by Thony DP Arcenal.

MGA kabayan, ibinunyag ni Senador Imee Marcos na hinaharang ng Department of Health (DOH) at National Task Force (NTF) ang malahiganteng mga kumpanya sa bansa sa pagbili ng Covid-19 vaccines.

Hawak ni Sen. Marcos ang balangkas ng administrative order na nakatakdang ipasa at palagdaan kay Pangulong Rodrigo R Duterte na haharang sa malalaking mga manufacturer ng tabako, gatas, asukal, soft drinks, at mga alak, gayundin ang mga multinational company na nakabase sa Pilipinas na makatutulong sana sa vacccination program ng pamahalaan.

Ilan sa higanteng kumpanya ay San Miguel group, buong Lucio Tan group, Puregold, Nestle, Destileria Limtuaco, lahat ng softrinks producers, Tanduay, Ginebra, White Castle at iba pa,”

Kabayan, “kapag hindi makabili ng mga bakuna itong mga kumpanyang ito, na 50 porsyento ay ido-donate sa publiko dahil walang pera ang gobyerno, paano pa tayo makakadagdag ng bakuna?”

Nilinaw ni Senator Marcos, na syang pinuno ng Senate Committee on Economic Affairs, na hindi lang pababagalin ng nasabing administrative order ang target na mabakunahan ang 70% ng mga Pilipino para sa taong ito, kundi mababawasan rin nito ang kakayahan ng gobyerno na magkaroon ng kakailanganing pondo para sa national vaccination program ng pamahalaan.

Aniya mga igan, masasaksihan natin kung paano mawawala lahat ang 50-porsyentong donasyon ng mga bakuna ng malalaking kumpanya.

Ang nabangit na donasyon ay nakuha sa bawat “tripartite agreement” o kasunduan sa pagitan ng mga pribadong kumpanya, vaccine manufacturer at ng gobyerno.

“Ang mga kumpanyang ito mga kabayan, ang may pinakamalalaking ambag sa kaban ng gobyerno sa pamamagitan ng excise taxes. Parang kabalintunaan ata ang administrative order na ito na itinaon sa panahong tumataas ang mga kaso ng Covid-19 at ilang linggo na lang mula sa deadline ng pagbabayad ng buwis sa Abril.”

Malinaw rin mga ’igan, na nakasaad sa Section 5 ng nasabing administrative order na dapat munang masiyasat ng NTF at DOH ang lahat ng kahilingan ng mga pribadong kumpanya sa pagbili ng bakuna “para masiguro na ang mga pribadong kumpanyang ito na magiging parte ng kasunduan ay walang kaugnayan sa kahit anong industriya ng tobacco, mga produktong saklaw sa ilalim ng EO 51 series of 1986 o ang National Code of Marketing of Breastmilk Substitutes, Breastmilk Supplement and Other Related Products” o anumang produkto na masama sa kalusugan ng publiko.”

Tinukoy ng Senadora, ang iniulat ng ilang Chinese newspaper na naka-base sa Binondo na hindi inaprubahan ni NTF chief Carlito Galvez Jr. ang hiling na makapag-import ng bakuna ang ilang miyembro ng tatlong pinakamalaking Filipino-Chinese chambers of commerce.

Haisssssst…  ang nasabing ulat ay sang-ayon sa isinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa kanyang Twitter account na hinaharang na makapag-import ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FCCCII) ng 500,000 doses ng bakunang mula sa China na Sinovac kahit may kasunduan na.

Malinaw pa sa  sabaw ng pusit na “ang nasabing administrative order ay salungat sa sinasabing ‘shared responsibility’ at hini-hinging pakikipag-tulungan ng gobyerno mula sa pribadong sektor at iba pang mga organisasyon sa ilalim ng Philippine National Deployment and Vaccination Plan for Covid-19”.

Ang tanong ng taong-bayan, bakit nga ba hinaharang ang pag-import ng malalaking kumpanya ng mga bakuna.

Para sa inyong mga reklamo at reaksyon ay mag-email lamang sa thony.arcenal@gmail.com. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here