Bakit ba pati mga paring Katoliko ay itinutumba na rin?

0
219

LUBHA na raw ngayong nababahala ang mga opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines o CBCP dahil sa sunud-sunod na pagpatay sa mga pari o alagad ng simbahan, kung saan pangatlo na raw mga pinaslang itong si Father Richmond ‘Nilo” Villaflor, na iniulat ng pulisya na itinumba ng hindi pa kilalang mga salarin sa loob pa naman mismo ng tahanan ng DIYOS sa San Pablo Chapel, sa bayan ng Zaragoza, sa lalawigan ng Nueva Ecija, matapos magmisa nito lamang nakalipas na araw.

Matatandaan na mahigit na rin sa anim na buwan ang nakalilipas nang unang mapa-ulat ang pagpaslang kay Father Marcelino Paez ng nabanggit na lalawigan noong Disyembre 5, 2017, ha bang ito ay pauwi na matapos na dalawin ang isang nakakulong na politi cal detainee.

Sinundan naman ito ang pamamaril ng hindi pa rin nakikilalang mga gunmen kay Father Mark Ventura, ng Barangay Peña West, Gattaran, sa Lalawigan ng Cagayan, noong Abril 29, 2018, na nasundan pa ng malubha namang pagkakasugat kay Reverend Father Rey Urmeneta, ng Lungsod ng Calamba, sa Lalawigan ng Laguna, nang tambangan naman ito ng hindi pa rin nakikilalang mga salarin nito lamang nakaraang Hunyo 6, 2018.

Maraming ibat-ibang mga espekulasyon at katanungan ang naglalaro ngayon sa isipan ng milyong bilang ng mga mananampalatayang Katoliko, kung bakit pati ang mga pari ay kasama na rin sa mga pinapatay ng mga wala raw yatang kaluluwang mga kriminal na ito.

Sinasabi naman ng ilang mga kritiko na laban sa kasalukuyang administrasyon, na simula raw ng maluklok sa kanyang puwesto bilang mataas na lider ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte, ay madalas na nitong binabatikos at pinatutudsadahan ng mga maaanghang na salita ang mga alagad ng Simbahang Katolika.

Isolated cases lamang daw ang mga nangyaring pagpatay sa tatlong pari, ang sabi nitong si PNP Chief Police Director Oscar Albayalde; Pero tanong naman ng ilang mga katoliko, masasabi daw ba na isolated lamang ang kasong ito gayung tatlong alagad na ng simbahang katoliko ang sunod-sunod na pinatay sa nakalipas na anim na buwan.

Aminado naman daw ang Zaragoza PNP na parang nangangapa pa sila sa dilim upang matumbok nila ang motibo ng pagpatay sa naging huling biktima na Father Villaflor, na maaring makatulong para sa ikadadali ng paglutas ng kaso.

Pinayuhan naman daw ni PNP Chief Albayalde, ang lahat ng mga alagad ng simbahang katoliko, maging ang mga religious leader ng kahit anong sekta ng relihiyon na kaagad makipag-ugnayan sa pulisya sakaling makatanggap ang mga ito ng mga pagbabanta sa kanilang buhay.

Pero hanggang saan naman daw kaya matutuldukan ang walang awang pagpatay sa mga alagad ng simbahan?

Abangan na lamang po natin ang mga susunod na kabanata sa buhay ng ating mga nanganganib na kaparian.

GOD Bless po sa ating lahat…

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here