Home EXTRAFONTS Bakit bihirang kantahin ang “My Way?”

Bakit bihirang kantahin ang “My Way?”

34
0
SHARE
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

Mula nang mauso ang videoke na karaniwang gamit sa birthday celebration at iba pang social occations bihira na ang kumakanta ng awiting ‘My Way’, ang awiting pinasikat ng yumaong mang-aawit na si Frank Sinatra.

Nauna kasi ang Karaoke sa videoke kaya sa mga karaoke bar kaya sa ganitong music lounge umarangkada ang awiting My Way. Naalala ko pa ang sikat na music lounge sa redlight district ng Bulacan, ang ‘Sir Roger’, nagpapaligsahan kami ni Pareng Omar Padilla sa pag-awit ng My Way.

Dahil hindi pa uso ang four stroke motorcycle noon, sa kotseng Ford Cortina ni Pareng Freddie Velez, ang sinasakyan namin pagpunta ng Sir Roger. Doon ay nakakasama namin sa kantahan si dating Bulacan Board Member Eny Duran, tuwing Friday night.

Nang ang videoke ay tinangkilik saanmang sulok ng bansa, naging palasak ang awiting My Way. Dahil madaling sundan ang melody ng kanta maging ang lyrics, nakakanta ito kahit pa ang mga sintunado kaya kapag nagkakantiyawan, nauuwi sa away na kadalasan ay humahantong sa karahasan at mayoon ding nasasawi sa gulo na nagsimula sa kantiyawan.

Kinapitan ng ‘stigma’ ang kantang My Way na tinaguriang ‘world karaoke song’. Si Paul Anka, ang sumulat ng mga titik ng kantang ito at pumaimbulog sa Top 40 music chart sa Amerika at Britanya sa loob tatlong buwan mula nang i-release ang My Way noong 1969.

Hindi lang si Frank Sinatra ang nagsaplaka ng My Way, kungdi maging sina Elvis Presley at Matt Monroe ay nagrekord din ng naturang kanta. Kaya hindi matatawaran ang naging popularidad ng awiting ito na umani ng pagkilala sa iba’t ibang panig ng mundo.

Matatandaang ang My Way ang naging tuntungan ng OFW na si Rose Fontanes, nang siya ay tanghaling grand champion sa sinalihang The X-Factor Israel noong 2014 Gumamit siya ng ibang rendition sa pag-awit ng My Way, sa halip na ang style ng pag-awit ni Sinatra ng My Way.

Bakit naman ayaw nang awitin ang My Way sa tuwinang nagkakantahan sa videoke? Kapag may nagtangka kasing kumanta kasi ng My Way, may mga kritiko agad na magsasabi ng ganito: “Marami na ang napatay sa kantang iyan!” Sa bansang Japan, paborito ng mga Hapon sa videoke bar ang My Way. Dito lang naman sa Pilipinas, winawalang halaga ang My Way.

Kung may ilang madugong pangyayari na ang naging punu’t dulo ng gulo ay ang kantang My Way, hindi naman sa lahat ng panahon at pagkakataon ay ang My Way ang sisisihin kapag may gulong nangyari sa pagkaawit ng awiting dinakila sa buong mundo.

Walang kinalaman ang anumang awitin sa mga kaguluhan sa mga pagtitipong sosyal. Kung mayroon mang dapat sisihin ay ang mga pasaway na manginginom ng alak na ang hanap ay gulo at hindi ang saya. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleUS-based rights group to campaign for LP slate, Alejano and labor leaders
Next articleAngelica, nasaktan sa akusasyon ng CarGel fans
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here