Home Katropa Rumoronda Balitang droga at sa Bulacan

Balitang droga at sa Bulacan

99
0
SHARE
Opinion Column ni Vic  Billones lll

LUBHANG nakababahala na talaga ang patuloy na patayan, gayundin ang walang puknat na paglaganap ng bawal na gamot sa ating kapaligiran. Kahit na patuloy ang laban at pagpuksang isinasagawa laban sa Droga ng Administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay tila binabalewala lamang ng mga taong sangkot sa kalakaran ng pagbebenta ng iligal na droga.

Kung noon ay nabigla at maingay ang ilang taumbayan sa mga pagpatay na nagaganap dahil sa Droga, ngayon ilan sa mamamayan ay natatahimik na lamang, kapag nakababalitang may naitumbang drug pusher, ang mga awtoridad, dahil ang mga ito daw ay nanlaban. Ika nga ng iba’y mabuti at nabawasan ang mga sakit sa lipunan.

Pero ang pamamayagpag ng bawal na gamot ay patuloy. Saan ba dapat magsimulang pigilan ito upang maalipula ang paglaganap, kundi man tuluyang masugpo ang Droga? Dapat bang simulan sa ibaba ang pagsugpo at pagpuksa sa mga maliliit na gumagamit at nagbibenta ng bawal na gamot, tulad ng isinasagawa ng kasalukuyang Administrasyong Duterte?

Tsk! Tsk! Tsk! Ika nga ni Pangulong Duterte na malimit nating nadidinig sa kanyang mga talumpati laban sa mga ‘drug dealers,’ “if you destroy my country, I will kill you!” Subalit hanggang ngayon imbes na bumaba ang bilang ng ‘shabu’ na ipinupuslit sa Pilipinas ay waring naging tone-tonelada na.

Ngayon na kailangang ipakita ang tapang ni Pangulong Duterte, hindi lamang sa pagsasalita at pagbabanta, kundi gawin ang dapat gawin, ang salitang “I will kill you,” laban sa mga financiers, suppliers at pushers ng nakababaliw at nakamamatay na gamot. Hanggat walang nasasampulan na naayon sa batas, laban sa mga kriminal na ito, ay lalabas na pambobola lamang ang lahat ng salitang namumutawi, mula sa ating Pangulo.

Aaminin ko na tayo ay tagahanga ng Pangulong Duterte, isa mga ginawa kong ‘caricature’ noon, na ating nai-post sa social media, ang Pangulo na may hawak na espada at timbangan ng katarungan. Iyan ang aking inaasahan sa kanyang pamumuno, na gamitin ang ispada laban sa masasama, at ang ‘scale of justice’ sa mga api at naapektuhang mamamayan. Umaasa ang mamamayan sa inyong mga pangako at mga sinasabi mahal na Pangulo.

*****
Medyo bumaling tayo sa ibang kaganapan sa ating kapaligiran. Dito sa Lalawigan ng Bulacan, ang butihing Kongresista na si Kgg. Florida Robes, Lungsod ng San Jose Del Monte, ay namigay ng ‘Pangkabuhayan Package’ na may paksang ‘Carinderia at Bigasan’ sa Barangay Kaypian, kamakailan.

Ang laging kaagapay ni Congw Rida ay ang Punong Lungsod Arturo Robes, na patuloy na nagmamalasakit sa kanyang mga nasasakupan. Gayundin ang patuloy na pagtulong sa mamamayan nina Bulacan Governor Willy Sy Alvarado at ang masipag na si Vice Gov. Daniel Fernando. Sila Alvarado ay namigay ng mga gamit medikal gayundin si VG Fernando, dagdag pa dito ang mga gastusin sa pagpapagamot ng mga may karamdamang bulakenyo.

Tsk! Tsk! Tsk! Batid ba ninyo na napakaraming mamamayan ang nahingi ng tulong sa mga pulitikong ito , mabuti na lang at hindi naman nagaatubili na tumulong. Mabuhay po kayo! Ipadala po lamang ang inyong nais na ipalathala sa ating email: billones@ralo.org. Hanggang sa muli! (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here