Barangay secretaries, hindi kinikilala ni DF?

0
217
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

KAMAKAILAN lang ay nag-usap usap ang mga barangay secretary ng 19 na barangay ng Plaridel, sa lalawigan ng Bulacan. Ang paksa ay tungkol sa umanoy patawag ng kapitolyo sa mga kapitan ng barangay pati ang kanilang mga kagawad.

Siyempre, tuwang tuwa ang mga halal na opisyal ng barangay dahil tiyak na makatatanggap sila ng pamaskong regalo buhat kay Gov. Daniel Fernando. Noong nakaraang taon ay ipinatawag din ang mga kapitan ng barangay at mga kagawad at tulad ng dapat asahan, masasaya silang umuwi.

Ang ipinuputok ng butsi ng mga kalihim ng barangay sa aming bayan ay kung bakit daw ang mga kapitan at mga kagawad lang ang pinadalhan ng imbitasyon ng kapitolyo at hindi kasama ang mga barangay secretary?

Sa totoo lang, kung meron mang higit na subsob ang ulo sa pagtatrabaho sa barangay ay ang mga kalihim ng barangay. Sa dami ng mga report na kanilang isinusumite sa iba’t ibang tanggapan sa munisipyo tulad ng DILG, MENRO, MDRRMO at iba pa ay talagang sa barangay na lamang nabubuhos ang panahon ng mga secretary.

Pasintabi sa mga masisipag na barangay captain at mga kagawad ng barangay, karamihan yata sa mga kagawad ay pabandying-bandying lang. Naghihintay lang ng kanilang honorarium samantalang ang kanilang mga kalihim ay maghapon sa barangay at kung minsan ay inaabot ng gabi kapag may iniuutos ang kanilang mga kapitan.

Sa tuwinang may paseminar ang DILG at iba ang government offices, ang barangay secretary ang tagakuha ng datos. Sila rin ang gagawa ng report, ayon sa mga impormasyong nakalap sa mga panayam. Natataranta ang mga secretary sa tuwing nagbibigay ng maagang deadline sa pagsusumite ng report ang mga secretary.

Heto pa, tuwing may regular session sa barangay hall, dalawang beses kada buwan, secretary pa rin ang punong abala lalo na kung kailangang gumawa ng resolusyon. Ang secretary din ang umaakda ng kautusang pambarangay dahil sila kagawad ay walang ideya o walang alam kung paano umakda ng panukalang batas.

Syempre, si kalihim ang uutusang gumawa ng panukalang batas at kapag napagtibay iyon ng sangguniang barangay at ng sangguniang bayan ay ang kagawad na nakalagay sa resolusyon ang bida, hindi si kalihim na nagtiyagang umakda ng panukalang pambarangay.

Ngayong panahon ng kapaskuhan, ang mga matataas na opisyal at binibigyang halaga ang mga halal na opisyal ng barangay hindi lamang ang mga masisipag kundi maging mga mga inutil na kagawad.

Ito lang naman ang lambing ng mga kalihim ng barangay, sulyapan man lang sana ang kanilang mahahalagang kontribusyon dahil kung wala sila ay tiyak na matutulog ang barangay at ang unang mapupulaan ay ang mga halal na opisyal ng barangay.

Isa pa itong linya na kinayayamutan ng mga kalihim ng barangay: “Mga halal kami ng taong barangay” Samakatuwid, sila lang ang mga anak.ng Diyos? Unfair iyan. Gayahin ninyo ang mga kapitan at mga kagawad na marunong kumilalala sa mahalagang kontribusyon sa sangguniang barangay ng mga kalihim ng barangay. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here