Basilica ng Malolos, inendorso ng DOTr para sa Faith-based Tourism

0
815
Bilang bahagi ng Ika-200 Taong Anibersaryo ng pagkakatayo ng Katedral ng Malolos, na ngayo'y isa nang Basilica, ikinabit ang isang malaking Aranya sa gitna ng dome ng Basilica. Sinisimbulo nito ang liwanag na dala ni Kristo para sa sanlibutan.

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Hinikayat ng Department of Tourism (DOTr) ang mga mananampalatayang Katoliko na muling Balik-balikan ang mga makasaysayang simbahan sa Bulacan, partikular na ang Basilika ng Immaculada Concepcion sa Malolos ngayong mga mahal na araw.

Bahagi ito ng pagsusulong sa ahensiya na lalong palakasin ang Faith-based Tourism sa Bulacan, na nagtatampok sa iba pang mga makakasaysayang simbahan sa lalawigan maliban sa pinakakilalang simbahan ng Barasoain na nasa Malolos din.

Sa pagbisita ni DOT Assistant Secretary for Tourism Regulation, Coordination and Resource Generation Maria Lourdes F. Japson, sa Basilica Minore, sinabi niyang bukod sa pagiging napakasagrado ng mga simbahan sa Bulacan, hitik din ito sa naging papel sa kasaysayang pambansa.

Ipinapaliwanag ni Padre Domingo M. Salonga, kura ng Parokya ng Immaculada Concepcion sa Basilica Minore, kay Department of Tourism (DOT) Assistant Secretary for Tourism Regulation, Coordination and Resource Generation Maria Lourdes F. Japson ang mga ginawang pagbabago sa Basilica ngayong iniendorso ng ahensiya sa mga mananampalatayang Katoliko na balik-balikan ang mga makakasaysayang simbahan sa lalawigan. Pinapalakas ngayon ng DOT ang Faith-Based Tourism upang itampok ang iba pang makasaysayang simbahan sa Bulacan maliban sa sikat na sikat na simbahan ng Barasoain.

Halimbawa itong Basilica Minore sa Malolos, bukod sa ang Patrona nito ay ang Immaculada Concepcion na patrona rin ng Pilipinas, nagsilbi rin itong Palacio Presidencial noong panahon ng Unang Republika. Dito nanirahan si Heneral Emilio Aguinaldo habang siya ang pangulo ng Unang Republika ng Pilpinas na pinasinayaan sa simbahan ng Barasoain noong Enero 23, 1899. Habang ang matandang puno sa harapan ng simbahan, na kilala sa tawag na Kalaayan Tree, ginanap ang kauna-unahang pulong ng gabinete ng administrasyong Aguinaldo.

Nadagdagan pa ang atraksiyon sa Basilica Minore ngayong nagdiriwang ng Ika-200 taong Anibersaryo ang pagkakatayo ng nasabing simbahan, na dating tinatawag na Katedral. Itinayo ito noong taong 1817.

Bahagi ng malaking pagdiriwang ang pagsasaayos sa loob ng Basilica. Una na riyan ang paglalagay ng malaki at marangyang Aranya sa sentrong dome ng Katedral na nasa harapan ng retablo, kung saan nakatayo ang higanteng imahe ng Immaculada Concepcion mula pa noong 1920s. Para sa kura, “in 200 years of the Cathedral, we have the reach the point of maturity. We are sharing the fruits of faith.”

Nakahilera ngayon sa kesame ng Basilica Minore ng Malolos ang mga pintang nakalagay sa hugis medalyon na nagtatampok sa buhay ni Birheng Maria. Isinalubong ito sa malaking aranya na ikinabit sa dome ng Basilica na sinisimbulo ng liwanag na dinala ni Kristo sa sanlibutan. Nagdiriwang ng Ika-200 Taong Anibersaryo ng pagkakatayo ng nasabing simbahan noong 1817.

Ayon kay Padre Domingo M. Salonga, ang kura ng Parokya ng Immaculada Concepcion ng Basilica, hindi lamang basta-basta inilagay ang mga bagong disenyo kundi iniugnay sa doktrina ng Iglesia Katolika Apostolika Romana. Mula sa mga bagong lagay na pinta sa loob ng hugis medalyo sa kesame ng Basilica, itinampok ang mga pangunahing detalye sa buhay ni Birheng Maria. Ipinosisyon din ang mga pinta na magkakasunod na inilagay papunta sa Retablo o ang pangunahing altar ng Basilica.

Ipinaliwanag ni Padre Salonga na “Each of the medallion, point to Jesus. At the end of the medallion, there is Love of God. Approach to Jesus sacrifice.” Mayroon ding medalyon na may pinta tungkol sa paglikha ng Diyos sa langit at lupa na inilagay sa ibabaw ng retablo. Ito namang malaking aranya na isinabit sa gitna ng dome ng Basilika ay simbulo aniya ng liwanag na dala ni Kristo sa sanlibutan.

Mayroon ding bagong aranya na inilagay sa magkabilang gilid sa bandang harapan ng Basilica, na sumisimbulo sa luma at bagong tipan ng Banal na Kasulatan. Katunayan, nasa bandang kaliwa matatagpuan ang mga rebulto ng mga santong mababasa sa lumang tipan, habang nasa gawing kanan ang mga santong ipinakilala sa bagong tipan.

Nilagyan din ng palamuting ginto ang 16 na malalaking bintana ng Katedral na sinabayan ng pagpipintura ng mga pader at kesame, na huling napinturahan noong pagdiriwang ng Ika-50 Taon ng Diyosesis noong 2012. Ang kesame naman ng Katedral ay nilagyan ng mga pinintang larawan na halaw sa piling mga misteryo ng Rosaryo. Iba pa rito ang pagpapalit ng Katedral ng mga bumbilyang LED o light emitting diode na nagpalutang sa lalong mataas na klaseng ganda ng loob nito.

Nitong nakaraang Linggo ng Palaspas, pormal nang sinindihan ang pailaw na disenyong Palaspas. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here