Home Pilantik Basurahan sa Pulilan, umaalingasaw ang baho!

Basurahan sa Pulilan, umaalingasaw ang baho!

36
0
SHARE

HINDI pa halos katagalan ng ang inyong lingkod ay padalan ng isang invitation letter ng aming Sangguniang Barangay upang humarap sa gagawing pagdinig na idaraos sa Balagtas Hall ng munisipyo ng aming bayan na may kinalaman sa isang artikulong aking isinulat na may kinalaman sa “mabahong basurahan” sa aming barangay.

Sa naturang pagdinig nagkapalitan kami ng mga maaanghang na salita ng aming kapitan ng barangay dahil sa kanyang pagtatago ng katotohanan at paglulubid ng mga kasinungalingan hinggil sa nakasusulasok na basurahan.

Humarap din ang dating alkalde ng bayan na si Elpidio “Elpy” Castillo na siyang “ugat” bakit mayroong umaalingasaw na basurahan sa Barangay Longos dito sa bayan ng Pulilan.

Marami ang dumalo sa nasabing pagdinig na nagbuhat pa sa ibat-ibang barangay bukod sa mga residente na nakatira sa paligid ng napakabaho at pesteng basurahan.

Nakahihiya mang aminin, walang linaw ang nasabing pagdinig bagamat alam ng mga nagsidalo na nasukol ko kasama ng mga taong nagsisipagreklamo ang malabnaw na paliwanag at dahilan nitong mga taong puno’t-dulo ng kabulukang ito.

Ilang araw matapos ang harapang iyo, totoong walang naamoy na baho mula sa basurahan subalit makalipas lamang ang ilang linggo muli na namang “umalingasaw” sa baho ang nasabing basurahan at hanggang sa kasalukuyan, may mabahong amoy na nanunuot sa utak hanggang sa lalamunan.

Minabuti ni PILANTIK na muling busisiin at ilathala ang isyung ito dahil napakaraming tao, bata at matanda ang nagtitiis na hindi malayong magkasakit o baka nga may mga sakit na dulot ng “nakasusukang” amoy na nagmumula sa nasabing basurahan.

Masakit mang sabihin, si PILANTIK na lamang yata ang pumupuna at deretsahang tumutulugsa sa nasabing basurahan dahil tila ba ang mga taong nasa paligid ay siyang-siya pa kapag naamoy ang nakasusulasok na amoy mula sa nasabing basurahan.

Nais ko pong linawin na ang isyung ito ay matagal ko ng naipaabot sa mga kinauukulan partikular sa tagapangalaga ng ating kapaligiran, ang DENR o Department of Environment and Natural Resources na hindi miminsan lang na nangako kay PILANTIK na kanilang bibigyang pansin at panahon ang isyung ito subalit hanggang sa kasalukuyan ang lahat ay nanatiling nakapako lamang.

Dahi sa mga pangyayaring ito, muli nating kinakalampag ang mga tanggapang sumusunod tulad ng MENRO, BENRO, CENRO kabilang na rin ang naggagaling-galingan na si Secretary Roy Cimatu, mga halal na opisyal ng bayan na sina Mayor Maritz Ochoa Montejo at Vice Mayor Ricardo “Rec Rec” Candido upang aksyunan ang usaping ito na sa kalusugan ay napaka-peligroso. Sana naman ay maging makatao at makatwiran kayo sa pagkakatong ito upang walang masabi ang mga taong nagbigay tiwala sa inyo at pinanggalingan ng inyong sinusweldo upang may pambili ng pagkaing ipapakain sa mga pamilya ninyo.

Aksyon naman sana mga opisyal ng bayan upang walang manghinayang at walang panghinayangan. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here