Bawal magkasakit sa Panahon ng Tag-ulan

0
501
An opinion column by Rolando S. Gamoso

MALAPIT na naman po ang panahon ng tag-ulan mga ‘igan kaya dapat lang na doblehin natin ang pag-iingat lalo na’t nandyan pa rin na patuloy na nagbabanta ang nakakatakot na Coronavirus Disease o COVID-19. Bawal pong magkasakit sa panahon ng tag-ulan.

Alam naman natin na kapag panahon ng tag-ulan, marami ang nilalagnat, inuubo at sinisipon.

Kung naaala ninyo, ang pinakakaraniwang sintomas ng COVID-19 ay may kasamang lagnat, panghihina, ubo at pangangapos ng paghinga.

At gaya po ng sinabi ko, bago pa may COVID, normal na po na kapag ganitong panahon ng tag-ulan ay marami ang nilalagnat, inuubo, at sinisipon kaya asahan natin na posibleng mangyari ito.

Ang tanong, paano na kapag biglang nilagnat, may ubo at sinisipon ka? Ika-classify ka na ba agad under “suspect case”? Iku-quarantine ka ba at isasailalim sa mga pagsusuri?

Paano nila idi-distinguish kung karaniwang lagnat lang ba ang nararanasan ng isang tao o ito ba’y sintomas na ng tinatawag na COVID-19?

Sa tingin ko, ang mga bagay na ito ang pinaghahandaan ngayon ng ating gobyerno lalung-lalo na ang Department of Health (DOH).

Ito ang dapat nating tutukan.

Abangan kung papaano aaksyon ang ating gobyerno tungkol sa bagay na ito pagdating ng panahon ng tag-ulan.


‘Angkas ride’, mas ligtas daw kaysa sumakay ng tricycle

Marami ang mga nagsasabi na 2x na mas safe ang ‘angkas ride’ kaysa doon sa mga pagsakay-sakay mo ng tricycle kapag lumabas ka.’Yan ay kung ang driver ng motorsiklo kung saan ka sumakay o umangkas ay kasama mo mismo sa bahay.

Kung susuriing maige, tama nga naman. Isipin ninyo ito. Bago ka naging pasahero ng tricycle na sasakyan mo sa araw na iyan, mga ilang pasahero na kaya ang sumakay dito bago ikaw? What if… take note of the word IF, mga ‘igan. What if sabihin na nating may nakalusot na pasahero na positibo sa virus na mas naunang inihatid ng tricycle? At dahil ang buong akala naman ng driver ay walang problema sa mas naunang pasahero kaya hindi na siya nag-disinfect ng kanyang tricyle. So, sino ngayon ang apektado?

Samantalang kung aangkas ka sa motorsiklo, na alam mong galing mismo sa bahay ninyo ang sasakyan at ang taong magmamaneho, hindi ba mas nakatitiyak kang ligtas ka na mahawaan ng virus?

Hindi ko lubos maisip kung ano ang ‘logic’ at bakit kailangang ipagbawal ang mag-asawa o ang dalawang miyembro ng pamilya na magkasama naman sa bahay na sumakay sa iisang motorsiklo.

Kung ‘safety’ ang pag-uusapan eh kung tutuusin ay mas malayong safe naman ‘yun nasa ‘angkas ride’ kaysa doon sa pasakay-sakay ng tricycle.

Hindi bale sana kung mura lang ang pasahe pero kada sakay mo ng tricycle ay kailangan mong bayaran o arkilahin ang buong tricycle.

Kaya naman ang hiling ng marami, kung pwede lang, ay hayaan na silang mag-angkas ride. Amen! (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here