Beaches na tinambakan ng white sand

0
139
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

NAGING laman ng balitaan sa nagdaang mga araw itong proyekto ng DENR sa Manila Bay, kung saan ang isang bahagi ng mahabang dalampasigan ng Look ng Maynila ay tinabunan ng dolomite sand ang maitim nitong buhanginan upang maging kaaya-aya sa paningin.

Pero marami ang kumontra sa proyektong ito ng DENR na ayon sa mga kritiko ng administrasyong Duterte ay pag-aaksaya lang ng salapi. Kung sabagay, opinyon nila ‘yun pero para sa akin, mas mainam na napaganda ang bahaging iyan ng baywalk ng dating Dewey Boulevard, na Roxas Boulevard na ngayon.

Pinaksa ko itong white sand dahil noong minsan na kami ay gumala sa Bolinao, Pangasinan ay napansin ko ang makapal na creamy white na buhanginan ng beach doon. Masarap tumapak sa maputi at pinong buhangin at hindi masyadong dumidikit sa paa hindi tulad ng pinong black sand na nahahakot ng mga paa ang pinong buhangin hanggang sa kwarto ng beach resort.

Dahil low tide noong araw na pumunta kaming magkakapamilya sa Bolinao beach, lalakad ka muna ng malayo para marating ang kalaliman ng tubig ng dagat. Pero maikli lang pala ang bahagi ng beach na may white sand. Sa hangganan ng white sand ay pawang patay na corals ang aking natapakan at sa kaunting pagkakamali ay magagasak mo ang mga tumpok ng sea urchin na matutulis ang galamay.

Siguro ay sadyang tinatambakan ng puting buhangin ang kahabaan ng beach na dinadayo ng mga turista upang lalo pang makaganyak sa mga panauhing madalas pumunta sa gayong destinasyon. Hindi kasi dadayuhin ng mga turista ang beach resort na may matatalim na corals at magraba ang dalampasigan.

Sa kabilang banda, may beach resort din naman na maitim ang dalampasigan tulad ng mga beach sa Baler, Aurora at ang kahabaan ng beach ng Zambales, pero dinadayo pa rin ang mga lugar na ito ng mga turista. Kaya lang, iba pa rin ang kasiyahang nadarama ng mga turistang lokal man o banyaga kapag ang beach ay nalalatagan ng white sand, dolomite man o natural na puting buhangin

Ang beach ng San Antonio, Zambales ay likas na nalalatagan ng black sand, pero kapag ikaw ay dinala ng bangkero sa Anawangin Cove, ang tutuntungan mo roon ay ang maputing lahar. Ayon sa mga mangingisda sa nasabing bayan, dati raw ay mabato ang beach ng Anawangin, pero simula  nang pumutok ang Mt. pinatubo, ang makapal na lahar ay umagos sa naturang lugar, tinabunan ang mga bato roon kaya nagkulay puti ang palibot ng cove at ang dalampasigan ng Anawangin.

Kaya mas pabor ako na makitang namumuti ang bahagi ng long beach ng Roxas Boulevard, dahil sa dolomite sand kaysa naman sa dati nitong kalagayan na kung ikaw ay mauupo sa sementadong breakwater ay mapanghi a at amoy ebak ang simoy ng hangin sa lugar na iyon. Sana ay mamentina ang kalinisan sa pook pasyalan sa Look ng Maynila, na ayon sa makatang si Ernest Hemingway, na may pinakamagandang sunset o lubugan ng araw. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here