Bilang ng COVID-19 cases sa Bulacan, pumalo na sa 400

0
219

HALOS mag-aapat na buwan na tayong nakikipambuno upang magapi ang salot na pandemyang COVID-19 ngunit para walang nangyayaring maganda na ikatutuwa ng mamamayan.

Patuloy pa rin na nadaragdagan ang bilang ng mga nag-positibo sa naturang nakamamatay na sakit at as of July 1, 2020, pumalo na sa 402 cases ang naiulat ng Bulacan Provincial Health Office (PHO)

Kailan kaya hihinto ang paglago ng bilang ng mga COVID-19 cases sa ating lalawigan? Kailan matatapos itong krisis na ating kinakaharap?

Sa 402 positive cases ay mayroong 203 na naka-rekober sa naturang sakit at 35 naman ang mga namatay. Pero ang ngitngit ni COVID ay di pa rin humuhupa at patuloy na nadaragdagan ang mga sakit nito.

Sa buong lalawigan ng Bulacan, tanging ang bayan ng Doña Remedios Trinidad ang COVID-free hanggang sa kasalukuyan habang ang Siyudad ng San Jose del Monte ang may pinakamaraming kaso na umabot sa 81 cases na sinundan ng Malolos na may 40 cases at Marilao na may 37.

Marahil sa puntong ito ay tila napapagod na ang mga Bulakenyo na labanan ang salot na COVID. Wala ng pantustos sa araw-araw na pangangailangan kaya kailangan ng lumabas upang kumayod. Baon na rin sa mga bayarin at kailangan nang magbayad pero paano kung walang perang pambayad.

Marahil iritang-irita na tayo sa pabago-bagong tema ng quarantine. Mula sa ECQ, naging GCQ, napunta sa MECQ, nabalik sa GCQ hanggang maging MECQ.

Nakakahilo pero kailangan nating tulungan ang pamahalaan sa mga batas nilang pinaiiral habang nasa gitna ng laban sa pandemya.

Sa kabilang banda ay hindi naman nagkulang ang Pamahalaang Panlalawigan sa mga tulong at ayudang ibinabahagi nila sa mga Bulakenyo. Sa mga proyekto at programang itinataguyod upang masawata ang nakakalulang mabilis na pagdami ng mga positibo sa coronavirus.

Gayundin ang mga namumuno sa mga bayan at lungsod na patuloy ang ginagawang paghahatid ng ayuda sa kanilang mga mamamayan. Lahat ay patuloy na gumagalaw para ma-proteksyunan ang mamamayan.

Dapat tayong magkaisa, magtulungan at sumunod kung nais nating magapi ang COVID-19 na ito.

Sama-samang pagkilos para labanan ang salot na coronavirus.

Hanggang sa susunod na isyu po ng RONDA Balita, ang Lingguhang Pahayagan ng masang Bulakenyo.

Para sa ibang balita, maglog-on sa www.rondabalita.news.

Babu!

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0917-205 -3350. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here