Buhay manunulat

0
560
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

ANG salitang manunulat ay tumutukoy sa pangkalahatang aspekto ng propesyong pagsusulat. Mayroong mga manunulat na bihasang magsulat ng kwento, tula at nobela sa larangang literatura o panitikan.

Ang mga peryodista naman ay sumusulat ng balita, lathalain at nagsusulat din naman ng sanaysay, isang arte ng pagsusulat na niyayakap ngayon ng mga online blogger.

Sa tulad kong nagkatahid na sa propesyong pagsusulat, mahirap isantabi ng gayon na lamang ang talentong nakasanayan. Kung mahal mo ang propesyong iyong kinalalagyan Kaya nga hindi hadlang kung ikaw man ay retiradong empleyado ng dati mong publikasyon na pinapasukan para ikaw ay makapagsulat.

Kung ako ba ay retiradong editor sa isang pahayagang nasyonal ay nawala ba sa akin ang kalagayang manunulat? Hindi! Patunay itong pagko-contribute ko ng kolum at lathalain sa Ronda Balita Online News, na ako ay isang aktibong manunulat.

May kasabihan tayong mga Bulakenyo na ang itak, kapag hindi hinahasa ay pumupurol. Gayundin naman ang utak ng mga manunulat — pumupurol kapag hindi naipapraktis ang propesyong pagsusulat.

Kaya lang, dumarating ang pagkakataon na mahirap magsulat kung walang laman ang iyong sikmura. Hindi rin madaling kumatha ng istorya kung iyong isipan ang lukob ng problemang pinansiyal kaya ang mamamayani ay ang paglutas sa panloob na problema.

Sa pagsulat ng balita, maraming bakit ang dapat na maihanap ng kasagutan. Kapag nasagot ang maraming bakit, ang mga sangkap ng istorya ay dumarami — lumalawak ang sakop ng istorya dahil sa mga detalyeng makatotohanan, hindi sinalsal.

Kahit nga ang literary master na si Edgar Allan Poe, ay naigugupo rin ng problemang pinansiyal kahit pa sabihing isa siyang henyong manunulat ng maiikling kwento at tula.

Pwede rin namang gawing hanapbuhay ang pagsusulat, tulad ng mga comic writer at short story writer. Ang mga peryodista rin naman ay nabubuhay sa propesyong pagsusulat. May mga peryodista na kumikita — nabubuhay ayon sa kani-kanilang diskarte.

Pero ang wagas na pagsusulat ay malalim ang pagkakatanim sa puso ng isang manunulat. Kusang bumubukal ang mga ideya sa isipan ng isang manunulat kaya nakahahabi ng mga sulating binalangkas ng malalim na imahinasyon na nilakipan ng facts buhat sa realidad ng buhay.

Ang manunulat daw ay maihahambing sa arkitekto at inhinyero. Nakapagdidisenyo sa pamamagitan ng panulat ang isang writer at nakapagbubuo ng mataas na gusali tulad ng inhinyero ang manunulat gamit ang kanyang imahinasyon. Tulad ng magaling na pintor, nabibigyang kulay ng writer ang kanyang obra kaya ang magsulat ay ‘di biro at sa paraang ito ay naibubuhos ang mga saloobing tinitimpi — nailalathala ang mga ideyang kapaki-pakinabang. Kaya nga ang isang mahusay na manunulat ay tagahimatong ng mga kaisipang konstruktibo.

Tulad ng mga mag-aaral, ang propesyong pagsusulat ay nagpapatuloy sa pag-alam ng mga bagong pangyayari sa kapaligiran. (RONDA Balita Online News)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here