Home Featured Story BUHAY: ‘Weder, weder lang!’ (Last part)

BUHAY: ‘Weder, weder lang!’ (Last part)

325
0
SHARE

TALAGANG nagbabago ang panahon at kasabay niyon ang paglitaw ng iba’t ibang moda ng kasuotan. Mula sa baro’t saya, samantalang ang mga kalalakihan ay nagsusuot ng kamisa, ang damit pang itaas na walang kuwelyo subalit nang dumating ang mga mananakop tulad ng Kastila, Hapon at Amerikano ay nabago na rin ang estilo ng mga kasuotan ng mga Pinoy.

Matagal na tinangkilik ng mga Pilipino ang mga kasuotan na kung tawagin noon ay ‘istetsayd’, mga yaring damit, sapatos at iba pang kagamitang na inaangkat natin noon sa America.

Kaya kapag tatak America ang suot mong damit at sapatos noong araw, sikat ka, kakaiba ka dahil istetsayd ang iyong kasuotan.

Ilang dekada ring namayagpag sa Pilipinas ang mga produkto ni ‘Uncle Sam’. Kaya kahit hindi US made ang mga produktong damit at sapatos o ‘di kaya galing ng Japan, UK at Saudi, mas angat ka sa karaniwang pipol na local garments lang ang kaya ng bulsa.

Bukambibig noon ng mga nakaaangat sa buhay ang salitang ‘orig’ na ang kahulugan ay imported products, mula sa damit, sapatos, gadgets at iba pa.

Sa paglipas ng mga taon, unti-unti nabago ang estilo ng nakararaming Pinoy, sa pananamit. Nang bumaha sa pamilihan ang used clothes na tinawag ding ‘ukay ukay’, hindi na mapili sa kasuotan ang mga Pinoy. Dahil sa murang halaga ng mga damit ukay ukay, tinangkilik ito ng masang Pilipino. Sa halagang 50 pesos ba naman ay makabibili ka ng ng magandang short pant, t-shirt sa kalalakihan at blouse sa kababaihan. Sa halagang sandaang piso ay dalawang short pant o isang pantalon ang iyong mabibili.

Binago ng millenials ang larangan ng fashion. Ang mga lumang pantalon na maong ay ginagasgas, ginugupit upang isunod sa moda, ang ripped pant.

Kaya kapag may okasyon, hindi na nagkakaiba ang damit-ukay sa bagong biling damit. Ang panahon nga naman — nagbabago, namamanahon ‘weder-weder lang.

Sa yugto naman ng buhay, aakalain mo ba na tatangkilikin ng sambayanang Noypi ang mga kasuotan at iba pang mga produktong Tsino? Kahit saang pamilihan ka pumunta, ay pawang China-made products ang iyong makikita.

Dahil bagsak presyo ang mga produktong Tsino, ang mga ito ang mas binibili ng mga consumer. Wala silang pakialam kahit na marupok o mababa ang kalidad ng mga Chinese product na kanilang nabili. Ang mahalaga ay nakamura sila. Talo na naman ang mga mamamahaling produkto ni Uncle Sam.

Nitong nagdaang holiday season, bumaha sa pamilihan ang iba’t ibang uri ng mga laruang pambata. Gamitin natin ang terminong ‘napakamura’. Totoo naman at tanggapin natin ang katotohanan na mas marami ang tumatangkilik sa mga produktong mura kahit na marupok.

Tama na muna ang fashion o moda. Dumako na tayo sa dako pa roon ng buhay Pinoy. Usap-usapan ngayon ang paksang ‘pederalismo’. Saanmang lugar, sa bawat barangay ay makakakita tayo ng mga nakabanderang tarpaulin na kung saan ay nakasulat doon ang pagsuporta sa pederalismo.

Halos lahat ng mga nakaupong halal ng bayan sa lokal na pamahalaan ay suportado ang pederalismo na isinusulong ng pamahalaang Duterte.

Ang kasalukuyang sistema ng pamahalaan na umiiral sa bansa ay unitary kung ang pamahalaang unitaryo ay may  kapangyarihan may saklaw sa mga gawain ng pamahalaang lokal. Ang kontrol ng mga gawaing pambansa at lokal ay ginagampanan ng pambansang pamahalaan kaya naman nasa Maynila ang sentro ng pamahalaan at ng kapangyarihan.

Sa sistemang pederalismo raw ay mabubuwag na ang kongreso. Samakatuwid, mawawala na ang senado at kamara at ang titindig na kapangyarihan ay ang mga lider sa labing tatlong rehiyon ng Pilipinas.

Paano ito mangyayari? Kailangang magsagawa ng plebisito na pwedeng isabay sa halalang pambarangay. Yes or No, lang naman ang dalawang katanungan na sasagutin ng mga botante sa balota — sang-ayon at hindi ayon sa pederalismo. Kapag nanalo ang Yes vote, ang isusunod naman ay ang pagbuo ng constitutional assembly (ConAss) o kaya naman ay Constitutional Convention (ConCon) upang lumikha ng bagong saligang batas na papatnubay sa sistemang pederalismo.

Sa kasalukuyan, ang gobyerno ng Pilipinas ay nasa ilalim ng unitaryong sistema ng gobyerno na ang ibig sabihin, halos lahat ng kapangyarihan at kapamahalaan ay tinatalaga sa isang sentralisadong pamahalaan. Isang aspekto nito ay ang mga kita at pondo ng bawat rehiyon ay mapupunta lahat sa sentralisadong gobyerno at mula roon ang badyet ay ipamamahagi pabalik sa bawat rehiyon batay sa halaga na itinakda ng pamahalaan — halimbawa ay ang internal revenue allotment o kaya naman ay ang pamamahagi ng pondo para sa iba’t ibang proyektong imprastraktura at serbisyo. Matagal na tayong nakababad sa ganitong sistema, subalit ang mayaman ay lalong yumayaman at ang mahirap ay patuloy na naghihirap.

Sa Federalismo, ang kapangyarihan ay mahahati sa pagitan ng National Federal Government at Local State Government. Ang Pilipinas ay mahahati sa iba’t ibang estado. Halimbawa, sa pinanukalang istrakturang pederal ni dating senador Aquilino “Nene” Pimentel,  ang Hilagang Luzon ay magiging isang estado at gayon din ang Gitnang Luzon at mga iba pang rehiyon. Bawat estado ay mapapanatili ang 80% ng kanilang kita at pondo samantalang ang 20% naman ay mapupunta sa National Federal Government. Mula sa 80% ng bawat estado, ang 30% nito ay mapupunta sa Local State Government at ang 70% naman nito ay mapupunta sa mga probinsiya, lungsod, munisipalidad at barangay.

Bawat estado ay mayroong sariling hanay ng senador at mga kinatawan. Ang Legislative Powers ay hahatiin sa pagitan ng national federal government at local state government. Sa madaling salita, ang gobyernong pederal ay reponsable sa usaping militar at proteksiyon ng buong bansa at ang local state government naman ang magiging responsable sa sarili nilang estado kung saan ang bawat Lokal na Pamahalaan ay may mas kontrol sa mga proyekto, pondo at pagpasa ng mga batas.

Hindi naman lahat ng Pilipino ay naniniwala na magkakaroon ng malaking pagbabago sa Pilipinas, lalo na sa pangkabuhayang aspekto kapag ang ating bansa ay nasa ilalim na ng sistemang pederal.

Ang hindi raw maganda sa sistemang ito ay ang paraang hindi pantay-pantay na pagbibigay ng kita ng pamahalaan. Ang mauunlad na rehiyon anila ay mas uunlad samantalang mapag-iiwanan ang mga mahihirap na lugar tulad ng mga dulong barangay.

Malamang daw na ang pamumuno ay mapupunta lamang sa mga tradisyunal na politiko na dati ng naghahari sa kani-kanilang teritoryo: Barangay, bayan, siyudad, lalawigan at rehiyon. Paano raw mangyayari ang pagbabago kung ang mga trapo at mga pamilyang dinastiya pa rin ang may hawak ng kapangyarihan?

Naniniwala ang mga kontra sa pederalismo na lalong mawawala ang transparency at kahusayan sa ating pamahalaan. Sino pa anila ang sisilip sa mga aktibidad ng mga tiwali at mandarambong kung sila mismong mga kawatan ang mga nakapuwesto?

Maliwanag pa raw sa sikat ng araw na hahaba ang termino ng mga nakaupong halal na opisyal at kung sila-sila rin ang magkikita-kita sa bagong sistema ng gobyerno, papaano umano maisasakatuparan ang pinapangarap na pagbabago? Mangyayari raw kaya ang linyang ibinibida ng mga DDS na ‘change is coming?’

Pero simple lang ang sagot ng mga Capampangan sa tanong na iyan: “Subukan pamu, para mabalu!” May katuwiran ka abe. Subukan muna ang bago at isantabi muna ang luma.

SHARE
Previous articleTEN LITTLE-KNOWN FACTS ABOUT STAR WARS
Next articleYouth lambast officials for continued deception of TRAIN impacts, challenge them to live by minimum wages
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here