Home Featured Story BUHAY: ‘Weder, weder lang!’ (Part II)

BUHAY: ‘Weder, weder lang!’ (Part II)

359
0
SHARE

MULA sa luma ay lumipat na tayo sa bagong taon, ang 2018 na ayon sa tradisyon ng mga Tsino ay ‘year of the dog’. Tayo namang Pinoy, nakikiarya rin sa tradisyon at paniniwala ng mga Intsik pero sa totoo lang, mahirap tularan ang kaugaliang Tsino dahil iba sila at iba tayo.

Hindi na panahon ngayon ni ‘Mr Beho”, ang nanlilimahid na imaginary character na Intsik na ang trabaho ay magtataho, magpuputo, nagbobote-bakal-dyaryo at kung minsan ay naglilimpiya-bota.

Pero hindi habang panahon sa gayong kalagayan si ‘Mr. Beho’, na noong araw ay nilalait-lait at binansagan pang ‘tsekwa’ ng mga Pinoy na mapanghusga, mapanghamak.

Kahit nga sa kapanahunan ni Dr. Jose Rizal, inilarawan niya sa kanyang obra na “Noli Me Tangere” ang napakaabang kalagayan ng mga migranteng Intsik, sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Kastila.

Pero ang buhay ay weder, weder lang. Ang ‘Mr. Beho’ noon ay tinitingala na ngayon. Sila ang may-ari ng nagtataasang mga gusali; ng mga pabrika at iba pang malalaking business establishments sa Pilipinas. Sila na ngayon ang mga amo ng mga manggagawang Pilipino.

Ang ‘Mr. Beho’ ay naging icon na sumasagisag sa mga tao sa kanilang pagiging masikap, masipag, matiyaga at may matibay na determinasyon sa buhay. Sino ngayon ang nasa kalagayang magpuputo, mabobote-bakal-dyaryo at magtataho? Hindi ba’t ang mga kababayan nating Pilipino?

Silang mga Intsik ang mga kilalang taipan, o malalaking negosyante at mamumuhunan dito sa bansa at sa ibayong-dagat.

Sa kalagayan ngayon ng Pilipinas, malayo at palayu- nang palayo ang agwat ng mga Pilipinong mayayaman at mga Pinoy na mahihirap. Bakit nagkagayon?

Hindi kaya tumatalab ang mga bagay na pampaswerte na bumida nitong bisperas ng Bagong Taon, tulad ng mga prutas na bilog at mga kasuotang may disenyong polka dots?

Ang paniniwalang ito ay taglay pa rin ngayon ng mga Pinoy at naipamana na rin sa millenials. Pero ang panahon ang siyang nagtatakda sa mangyayari sa hinaharap at sa kasalukuyang panahon.

Hindi inasahan ng sambayanang Pilipino na ang isang alkalde buhat sa isang dulong lalawigan ng Pilipinas at maluluklok sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno, si Pangulong Rodrigo R. Duterte, ang dating punong lungsod ng Davao City.

Siya ang pinakamataas na lider ng ating bansa na iginuhit ng tadhana. Natatandaan pa kaya ng mga Bulakenyo na ang isang dating kapitan ng barangay ay naluklok noon sa pinakamataas na puwesto sa lalawigan ng Bulacan? Siya si dating Bulacan Gov. Joselito “Jonjon” Mendoza, nahalal at nanungkulang barangay captain ng Brgy. Duhat, sa bayan ng Bocaue bago siya naging gobernador at kongresista sa Ikatlong Distrito ng Bulacan.

Kaya hindi matutulusan ang kapalaran ninuman. May kani-kanyang panahon ang lahat ng bagay at kalagayan. Kung hindi mo pa panahon ngayon, maghintay ka lamang. Pasasaan ba at makakamit din ang kalagayang pinapangarap at doon naman sa mga kababayan natin na masyado nang nalulunod sa labis na kasiyahan at kasaganaan sa buhay, may bagong kasabihan ngayon ang millenials: “Bilog ang mundo: Kung ang feeling mo ay nasa itaas ka na, alam mo na siguro ang kasunod?”

Muli nating balikan ang huling linya sa isang kanta ng grupong Aegis: “Gulong ng buhay…patuloy-tuloy sa pag-ikot. Ngayon ako’y nasa ilalim, sana bukas nasa ibabaw naman.” (May karugtong)

SHARE
Previous articleTeam leader na sangkot sa ‘mistaken encounter,’ lumutang na sa NCRPO
Next articleFirst 100 days of  Aaron N. Aquino as PDEA Director General 
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here