Home Bulacan Local News Bulacan, kinilala ang mga natatanging kababaihan sa Gawad Medalyang Ginto 2018

Bulacan, kinilala ang mga natatanging kababaihan sa Gawad Medalyang Ginto 2018

374
0
SHARE
Buong galak na ngumiti si Luceria Diego (ikatlong hanay, ikatlo mula sa kaliwa) mula sa Bayan ng Calumpit matapos siyang itanghal bilang Natatanging Babae 2018 sa ginanap na Gawad Medalyang Ginto 2018 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, Lungsod ng Malolos, Bulacan kamakailan. Kasama niya sa larawan Bise Gobernador Daniel R. Fernando, dating Kinatawan Ma. Victoria R. Sy-Alvarado, Natatanging Babae 2017 Emma Caparas, (ikaanim mula kanan) Panlalawigang Komisyon para sa Kababaihan ng Bulacan Chairperson Dr. Eva Fajardo, (ikatlo mula kanan) Bokal Therese Cheryll Ople, pinuno ng Provincial Public Affairs Office Maricel S. Cruz, pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office Rowena J. Tiongson, Bokal Ma. Lourdes H. Posadas at Punong Bayan ng Calumpit Jessie De Jesus. Kuha ni Manny D. Balbin

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan ngayong Marso, binigyan ng iba’t ibang pagkilala ang mga natatanging kababaihan mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Bulacan sa ginanap na Gawad Medalyang Ginto 2018 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito kahapon.

Kinilala bilang Natatanging Babae si Luceria Diego mula sa bayan ng Calumpit dahil sa naging pagsisikap nitong mapaunlad ang sarili mula sa mahirap na pamumuhay habang nakatutulong sa iba. Siya ay nag-uwi ng plake ng pagkilala at P20,000.

Samantala, nakamit naman ng Soroptimist International of Norzagaray sa pangunguna ni Aureluz Torres ang Natatanging Samahang Pangkababaihan dahil sa kontribusyon nito sa lipunan gaya ng pagbibigay ng scholarship, pagsasagawa ng mga medical mission, mga programang pangkabuhayan at feeding program, at pagtatanim ng mga puno. Tumanggap siya ng plake ng pagkilala at P30,000.

Para sa kategoryang sektoral, pinarangalan bilang Matagumpay na Konsehong Pambayan para sa Kababaihan (KPK) ang bayan ng Norzagaray sa pamumuno ni Dr. Rhodora Pesebre; si Teresa Clemente ng Calumpit bilang Matagumpay na Ginang ng OFW; Cristina Briones ng Marilao bilang Matagumpay na Babaeng Mangangalakal; at Joyce Ann Vitug ng Plaridel bilang Huwarang Kabataang Babae sa Pamumuno. Sila ay tumanggap ng plake ng pagkilala at P20,000 para sa KPK at ang iba ay tig-P10,000.

Para sa kanyang bahagi, binanggit ni Bise Gobernador Daniel R. Fernando ang mga mahahalagang tungkulin ng kababaihan bilang ilaw ng tahanan na siyang gumagabay at nagbibigay liwanag sa buhay ng pamilyang Bulakenyo.

“Itigil na po natin ang pagkukumpara sa mga lalaki at babae sapagkat lahat po tayo ay pinagkalooban ng kani-kaniyang kakayahan at natatanging bahagi sa paghubog ng ating lipunan. Katuwang rin po natin ang mga kababaihan sa pagpapaunlad ng lalawigan ng Bulacan,” ani Fernando.

Ikinumpara naman ng panauhing padangal na si dating Congresswoman Ma. Victoria R. Sy-Alvarado ang mga kababaihan sa mga talang nagniningning at sinabing higit pa sila sa mga ito at nagbigay ng ilang halimbawa ng mga matatagumpay na babae na mananatiling makikinang na hiyas.

“Higit pa sa pagiging ilaw ng tahanan, hindi maitatanggi ninuman na tayong mga babae ay saligan din ng bawat lipunan at naging mahalagang bahagi sa pagtataguyod ng bansa at pagsusulong ng pangkalahatang kabutihan at kagalingan ng ating mga mamamayan, kabilang na sina Mother Theresa ng Calcutta, Joan of Arc, Elenor Roosevelt, Hellen Keller, Corazon Aquino at lalong higit si Mama Mary na nagpakita ng kanilang mahalagang kontribusyon, ” dagdag pa ng dating kongresista.

Samantala, hinikayat naman ni Dr. Eva Fajardo, tagapangulo ng Panlalawigang Komisyon para sa Kababaihan ng Bulacan, ang mga kababaihan na maging tulad ng agila na hindi nililimitahan ang kakayahan at binigyang diin na huwag matakot mangarap dahil kaya itong abutin. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleRONDA Balita; Tatlong taon na po kami!
Next articleMPTC: Expands ‘Safe Trip Mo Sagot Ko’ motorist assistance program
ROSETH Eleogo Reyes or RR Eleogo is one of the owners of RONDA Balita. A single mother from Bulakan, Bulacan, and formerly an account officer and columnist of NewsCore, a local newspaper in Bulacan. She also worked in quality control department of Mighty Corporation. A part-time advertising representative of Remate, a national newspaper. She served as Director of Philippine Science Journalists Association Inc. Bulacan Chapter and member of National Union of Journalists of the Philippines (NUJP)- Bulacan Chapter. She won recently as Board of Directors of Bulacan Press Club.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here