Home National News Bulacan, nakiisa sa pagdiriwang ng World Malaria Day; nagsagawa ng medical mission

Bulacan, nakiisa sa pagdiriwang ng World Malaria Day; nagsagawa ng medical mission

185
0
SHARE

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan — Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kasama ang Pamahalaang Lungsod ng San Jose del Monte sa pagdiriwang ng World Malaria Day na may temang “End Malaria for Good” sa pamamagitan ng pagsasagawa ng libreng serbisyong medikal na may kasama pang gamot at pagdaraos ng talakayan hinggil sa malaria sa Sitio Karahume, Brgy. San Isidro, dito sa nasabing lungsod noong Huwebes

Sinabi ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado sa kanyang talumpati na inihatid ng kanyang anak na si Ma. Rosario Sy-Alvarado Mendoza na ang pagkakaroon ng malusog na mamamayan ay indikasyon ng pagkakaroon ng mahusay at epektibong programang pangkalusugan na ipinatutupad sa pamayanan.

Gayundin, sinabi ni Dr. Jocelyn Gomez, pinuno ng Provincial Health Office-Public Health, na bagaman nasa ikalimang taon na ang lalawigan na walang naitatalang kaso ng malaria, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng mga ganitong gawain upang maiwasan ang pagpasok muli ng mga bagong kaso mula sa mga taga-ibang lugar. Aniya, dahil sa tulung-tulong na pagsusumikap, hindi malayong kilalanin na bilang malaria-free province ang Bulacan.

“Malakas ang ugnayan ng pamahalaang nasyunal, regional at provincial and apart from this, our health workers do continuous monitoring and surveillance.

Nagsasagawa din tayo ng blood screening kahit wala tayong kaso ng malaria,” ani Gomez.

Naging lugar din ang nasabing pagtitipon upang itama ang mga maling paniniwala sa kung paano nakukuha ang malaria dahil karamihan sa mga residente gaya ni Cayotano Dela Paz ay naniniwalang ang pag-inom ng hindi pinakuluang tubig ang isa sa mga dahilan ng pagkakaroon nito. Ang iba naman ay naniniwalang sa pagkain ng prutas tulad ng kasuy at papaya o sa pagkapasma at pagkahapo o kaya naman ay sa kulam.

Pinabulaanan naman ito ni Bulacan Malaria Program Coordinator Annie Balingit at ipinaliwanag na ang malaria ay isang nakamamatay na sakit na dulot ng parasitiko na naisasalin sa tao sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na Anopheles ngunit ito ay maaaring iwasan at lunasan.

Ayon sa World Health Organization, noong 2016, tinatayang may 216 milyong kaso ng malaria sa 91 bansa, mas mataas ng 5 milyong kaso sa 2015 at umabot naman sa 445,000 ang namatay dahil sa malaria noong 2016 na halos kaparehong bilang (446,000) noong 2015.

Samantala, mahigit 300 na mga residente naman ang naserbisyuhan ng medical mission na naghatid ng libreng checkup na may karampatang gamot, bakuna sa mga sanggol, x-ray at blood screening para sa malaria at tuberculosis.

Namahagi din ng 300 na mga kulambo at 50 pregnancy packages na naglalaman ng ferrous sulfate, baby book, babasahin hinggil sa malusog na pagbubuntis at panganganak, at home-based maternal record (HBMR), isang talaan o form ng pinasimpleng sistema ng pagtatala ng mga maagang sintomas ng kumplikasyon.

Nagpasalamat naman si Benjamin San Jose, pinuno ng mga dumagat mula sa Lungsod ng SJDM para sa nasabing aktibidad.

“Napakalaki ng puso ng pamahalaan para sa amin at lagi kaming naaalala kahit na nga malayo kami. Kasi kung kami ang pupunta ng provincial, 500 ang gastos namin balikan, kung ganoon magtitiis na lang kami ng sakit dito, pero dito sa ginawa na ‘to kumpleto na pati gamot kaya kami’y nagpapasalamat,” ani San Jose. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous article5,000 BCBP delegates celebrate 38th anniversary
Next articleFormer Brgy. chairman shot dead in San Rafael town
ROSETH Eleogo Reyes or RR Eleogo is one of the owners of RONDA Balita. A single mother from Bulakan, Bulacan, and formerly an account officer and columnist of NewsCore, a local newspaper in Bulacan. She also worked in quality control department of Mighty Corporation. A part-time advertising representative of Remate, a national newspaper. She served as Director of Philippine Science Journalists Association Inc. Bulacan Chapter and member of National Union of Journalists of the Philippines (NUJP)- Bulacan Chapter. She won recently as Board of Directors of Bulacan Press Club.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here