Bulacan pinaigting ang mga gawain upang makaiwas sa leptospirosis

0
607

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Upang maiwasan ang pagtaas ng kaso ng mga nagkakaroon ng leptospirosis ngayong panahon ng tag-ulan, nagsasagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kasama ang Provincial Health Office- Public Health ng iba’t ibang aktibidad lalo sa mga lugar kung saan mataas ang naitalang kaso ng nasabing sakit.

Binigyan diin ng nanunuparang gobernador ng Bulacan, Igg. Daniel R. Fernando ang kahalagahan ng pag-iwas kaysa sa pagbibigay lunas dito.

“Higit na mabuting maiwasan na magkaroon pa ng ganitong sakit para hindi na rin tayo nangangamba sa kalusugan at buhay ng ating mga kapwa Bulakenyo, kung may paraang maiwasan gawin na,” ani Fernando.

Ayon kay Dr. Jocelyn Gomez, pinuno ng PHO-PH, isa sa mga paraan upang maiwasan ang leptospirosis ay ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa mamamayan hinggil sa sakit na ito sa pamamagitan ng Facebook, pag-ere sa lokal na istasyon ng radio at pagpapalabas nito sa LED Billboard sa bakuran ng kapitolyo.

Bukod dito, namimigay din sila ng mga gamot tulad ng Doxycycline Hyclate bilang prophylactic regimen, anti-bacterial at anti-fungal ointments para magamot ang pangangati o sugat na nakalantad at pagtuturo hinggil sa kalinisan kung saan idinetalye ang kahalagahan ng paghuhugas ng apektadong bahagi ng sabon at umaagos na tubig.

“Nakukuha ang sakit na ito sa paglusong sa baha na kadalasang mayroong ihi ng daga, aso at iba pang uri ng hayop. Natural habitat kasi ng mga daga yung leptospira, doon sila nabubuhay kaya mas madalas sa ihi ng daga talaga nakukuha ang leptospirosis,” saad ni Gomez.

Sinabi naman ni Brian Alfonso, PHO-PH disease surveillance officer na hindi kasing taas ng kaso sa Metro Manila ang mga naitatalang kaso sa lalawigan.

Base sa tala ng Dengue Surveillance ng PESU, mayroong labing-isang hinihinalang kaso ng leptospirosis mula Enero 1 hanggang Hulyo ngayong taon mula sa tala ng ibat-ibang Disease Reporting Units ng probinsya. Isang ang hinihinalang namatay kaugnay ng leptospirosis na mula sa Norzaragay.

Patuloy na tinututukan ng pamahalaang panlalawigan ang mga kaso ng leptospirosis upang maiwasan ang malawakang pagkalat nito sa tulong at koordinasyon ng ibat-ibang barangay habang patuloy ang pagbibigay kaalaman sa mga residente tungkol sa sakit na ito.

Ang Leptospirosis ay isang sakit na mula sa bacteria na leptospira interogans. Ang sakit na ito ay nagtataglay ng mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng ulo, matinding pananakit ng hita o binti at kung lalala ay maaring mauwi sa pagkasira ng bato. (RONDA Balita Online News)

Previous articlePGB, MRRD-NECC Bulacan show support to SONA 2018
Next articleLabor dreads demise of labor rights and Cha-cha with GMA as Speaker
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, an editor-in-chief of RONDA Balita, Lingguhang Pahayagan ng Masang Intelihente, and RONDA Balita Online News was a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated Philosophy as major course, Political Science as minor, at the University of Santo Tomas, Legaspi City but landed and became a journalist. A former Journal Group of Publication (People's Journal, Peoples Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before he was simultaneously contributed news articles to 3 local newspaper in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). A former Journal Group Bulacan correspondent, Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here