Bulakenyo, nababahala na sa pagdagsa ng shabu sa lalawigan

0
235

NABABAHALA na ang masang Bulakenyo sa pagdagsa ng iligal na droga sa ating mahal na lalawigan.

At mukhang natutulog sa pansitan ang ating kapulisan at ang anti-illegal drugs unit na PDEA.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng mga Bulakenyo ang sunud-sunod na pagsalakay ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at ng kapulisan sa mga lugar na binabagsakan ng iligal na droga.

At halos linggo-linggo ay may natitimbog na milyong halaga ng shabu sa mga bayan at lungsod tulad sa Marilao, Meycauayan, Balagtas, San Jose del Monte, Malolos, at ang pinakahuli ay sa bayan ng Santa Maria.

Ang malaking katanungan na bumabagabag sa aking isipan ay kung paano ito nakalulusot at naipapasok sa ating lalawigan na hindi natutunugan ng mga otoridad.  

Nakapagtataka kung saan nanggagaling ang napakaraming shabu. Kung galing sa ibang bansa o probinsiya, paano ito nakakapasok sa Bulacan gayung maigting ang pagpapatupad ng community quarantine o lockdown dito.

Sabihin na nating nasasakote nga nila pero ilang linggo na o buwan itong namamayagpag sa Bulacan.

Hindi ito mga pipitsuging nagtutulak ng shabu dahil milyon-milyon ang nasasamsam sa mga ito.

At marahil kung mahigpit ang pagpapatupad ng batas ng ating mga kapulisan o ng PDEA ay hindi maglalakas loob itong mga Tsino at mga kasabwat na Pinoy na maging sentro ng iligal na droga ang Bulakan.

Opo, sentro ng iligal na droga dahil mula June 4 kung saan nasakote ang shabu na nagkakahalaga ng P5.14 bilyon sa isang warehouse sa Marilao (at take note po, pinakamalaking halaga ng shabu na nasakote ng mga kapulisan ngayong taon) hanggang sa ginagawa ko ang artikulong ito ay patuloy ang mga isinasagawang drug operations kung saan kilo-kilong shabu ang nasasakote.

Ito na marahil ang tamang panahon para tawagin ang atensiyon ni People’s Governor Daniel R. Fernando na gumawa na ng hakbang para matigil na ang pagpasok ng shabu sa Bulacan at tuluyang malugmok ang mga Bulakenyo sa iligal na droga.

At kung ang mga nagpapatupad ng batas ang walang kakayahan para masawata ang iligal na droga sa ating lalawigan, tanggalin sa puwesto at sibakin. Kung walang kakayahan ang Provincial Director, patalsikin at palitan ng iba. Kung walang ginagawa ang chief of police sa isang bayan o lungsod ay tanggalin at sipain sa puwesto.

Hindi natin masusugpo ang pagkalat ng iligal na droga sa Bulacan kung hindi tayo magkakaroon ng mga taong may malasakit at dedikasyon para linisin ang ating lalawigan sa salot na dulot ng iligal na droga.

Partida yan dahil wala pang biyahe ang eroplano at barko dahil sa lockdown pero patuloy ang pagpasok ng shabu sa Bulacan.

At nakakalusot kahit na mahigpit sa checkpoint. Kahit nasa kasagsagan ang enhanced community quarantine (ECQ)  noong Marso hanggang Mayo, maraming nasabat na shabu.

Nakapagtataka kung saan galing ang mga ito.  

Hanggang sa susunod na isyu po ng RONDA Balita, ang Lingguhang Pahayagan ng masang Bulakenyo.

Para sa ibang balita, maglog-on sa www.rondabalita.news.

Babu!  

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0917-205 -3350. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here