Bulakenyo: Ngayon lang ulit nakaranas ng Signal No. 3

0
140
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

MAHABA-HABANG panahon na ang nagdaan ay ngayon lang muling nakatikim ng hagupit ng Signal No. 3 ng bagyo ang Bulacan, nang dumaan sa ating lalawigan ang bagsik ng typhoon Ulysses.

Maraming kabahayan sa aming bayan sa Plaridel ang winasak ng bagyo at may mga bahay ring nadaganan ng puno dahil sa lakas ng hanging dulot ni Ulysses. Ang mga poste ng Meralco ay nagbagsakan dahil nabuwalan ng mga puno. Nakalatag sa kalsada hanggang sa farm to market roads ang mga kagawad ng kuryente.

Habang sinusulat ko ang kolum na ito ay maraming lugar ang wala pang kuryente dahil hindi pa naitatayo ang mga nabuwal na electric post at hindi pa rin napapalitan ang mga kongkretong poste ng Meralco na naputol dulot ng nagdaang bagyo.

Kaawa-awa ang mga kababayan nating nasira ang kanilang mga bahay dahil hindi kinaya ang malalakas na bugso ng hanging dala ni Ulysses. Ayon sa mga residenteng nasalantaan, ngayon lang ulit sila nakaranas ng malakas na bagyo.

Totoo naman na ngayong taong 2020 lang tayo nakaranas ng lakas ng hangin na mahigit sandaang kilometro kada oras na idinulot ni Ulysses. Kung may mga bagyo mang dumaan sa Bulacan ay mahihina lang at karaniwang signal No 1 lang kaya naging kampante na tayo kahit may anunsiyo na may paparating na bagyo.

Hindi ba’t ang super typhoon Rolly ay sinabi ng PAGASA na dadaan sa Central Luzon ang signal No. 4 ng nasabing bagyo, kaya gayon na lamang ang panawagan ng local government units hanggang sa barangay sa mga residente na magsipaghanda sa paparating na super bagyo.

Pero hindi dumating ang inasahang super typhoon, nag-iba ng direksiyon kaya maraming tao ang nagtawa at may nagsabi na palpak ang weather forecast kaya nang makarating sa kanilang kaalaman na papasok sa Central Luzon si Ulysses, hindi na sila nabahala at may nagsabi pa na matutulad lang kay Rolly ang bagyong Ulysses na kahit sinabing dadaan sa Central Luzon, mag-iiba rin ng direksiyong tinatahak.

Pero ang prediksiyon ng mga taong kritiko ang pumalpak at tama ang weather forecast ng PAGASA. Kaya nitong madaling-araw ng November 12 ay umugong ang malakas na hanging dala ni Ulysses na may kasamang malalakas na pag-ulan.

Hindi inasahan ng nga Bulakenyo, na sa atin dadaan ang mata ng typhoon Ulysses kaya maraming bubong ng mga bahay ang natuklap at maraming mga sanga ng puno ang nabali. Kaya tama si Mang Tanny, sa kanyang linya na maging “IMready”.

Kaya matuto na tayo na maging mapaghanda kapag nagpalabag ng mga weather bulletin ang PAGASA. Hindi natin piho ang takbo ng panahon. Tama si Mang Tanny, na nangyayari ang “area of uncertainty” o nagbabago ang direksiyon ng bagyo pero paano kung hindi magbago? Kaya iba na ang laging handa sa lahat ng oras. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here