Contact tracing palalakasin, isolation facilities daragdagan sa Bulacan laban sa COVID

0
543
Pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases o IATF-EID at Provincial Task Force against COVID-19 sa lungsod ng Malolos bilang bahagi ng Coordinated Operation to Defeat Epidemic (CODE) na isinagawa nitong Sabado sa Hiyas ng Bulacan (Aug. 15).

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nangako ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases o IATF-EID sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na aagapayan ito sa pagpapalakas ng contact tracing at pagdadagdag ng mga isolation facilities.

Ito ang sentro ng mga napag-usapan sa pulong ng IATF-EID at Provincial Task Force against COVID-19 sa lungsod ng Malolos bilang bahagi ng Coordinated Operation to Defeat Epidemic o CODE.

Ipinaliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III na kung ang aktibong kaso sa Bulacan ay halos dalawang libo, ang kinakailangan na mahanap na mga tao na nakasalamuha ng isang indibidwal ay may ratio na 1:20 o 20 libong katao. Sila aniya ang mga taong dapat ma-isolate.

Dagdag pa ng kalihim, ang ganitong istratehiya ay base sa tinatawag ng IATF-EID na “Magalong Formula” na inirerekomenda na gawin din ng mga pamahalaang lokal dahil napatunayang mabisa sa lungsod ng Baguio.

Dapat aniyang sundin na pamantayan na sa mga rural areas, dapat ay 1:25-30 ang ratio ng contact tracing o 20 hanggang 30 katao kada isang nagpositibo sa COVID-19 habang sa mga urban areas gaya ng mga lungsod ng Malolos at San Jose Del Monte ay 1:30-37 o 30 hanggang 37 katao sa kada isang taong dinapuan nito.

Sa kasalukuyan, ang Case-to-Close Contact ratio sa Bulacan ay nasa 1:4.

Ayon kay Provincial Health Office Head Jocelyn Gomez, umabot sa 7,867 ang mga nakasalamuha ng naitalang 2,018 kumpirmadong kaso. Sa bilang na ito, 325 ang mga na-contact traced kung saan 90 katao o 28 porsyento ang nagpositibo.

Kaya’t bilang karagdagang tulong ng pamahalaang nasyonal sa pagpapaigting ng contact tracing sa Bulacan, bitbit ng IATF-EID sa kanilang pagbisita sa lalawigan ang limang libong piraso ng mga personal protective equipment, kasing dami ng mga face masks at mga hygiene kits para sa mga contact tracers.

Para naman sa pagdaragdag ng mga isolation facilities sa Bulacan, kinatigan ni COVID-19 Response Chief Implementer Carlito Galvez Jr. ang pagtulong ng Department of Public Works and Highways o DPWH para sa pagtatayo ng Mega Quarantine Facility sa Bulacan Sports Complex sa barangay Sta. Isabel sa lungsod ng Malolos. Target nitong makapaglulan ng 55 pasyente.

Iniulat din ni Gobernador Daniel R. Fernando na pumasok sa isang Memorandum of Agreement ang pamahalaang panlalawigan at ang UNTV 37 ng Members of Church of God International na magamit ang pasilidad nitong M.A.B. Building bilang isolation facility. Kaya nitong ma-isolate ang 56 na katao na matatagpuan din sa barangay Sta. Isabel sa Malolos.

Bukod dito, ang ginagawang evacuation center ng Office of the Civil Defense sa isang bahagi ng 10 ektaryang Malolos City Government Center ay gagawin ding isolation facility na magkakasya ang 80 pasyente. Nagkakahalaga ito ng 30 milyong piso na pinondohan ng DPWH.

Samantala, pinaalalahanan ni Duque ang mga schools division offices sa lalawigan na ipagamit na ang 50 porsyento ng pasilidad ng mga pampublikong paaralan bilang mga isolation facilities alinsunod sa inaprubahan aniya ni Education Secretary Leonor Briones sa kahilingan ng National IATF-EID.

Sa kasalukuyan, may 33 isolation facilities sa Bulacan na may kabuuang kapasidad para sa 480 katao. Ang mga ito ay kasalukuyang kumakalinga sa 111 pasyente o katumbas ng 23 porsyentong occupancy rate.  

Source: PIA Bulacan/Shane Frias Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here