COVID-19 kinokopya ang sarili

0
110
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

ALAM na marahil ng lahat na may isang strain o variant ng SARScov2 na kilala sa tawag na COVID-19 ang natuklasan sa United Kingdom. Marami sa ating mga kababayan ang nagtatanong kung bagong uri daw ba ng virus ang pinag-uusapan ngayon sa balitaan.

Ikinabahala kasi ng marami ang napaulat na balita tungkol sa bagong variant ng COVID-19. Inaakala nila na magdudulot ng mapanganib na sakit ang sinasabing virus, kesyo baka raw bumalik na naman tayo sa enhanced community quarantine (ECQ) kung lalaganap dito sa Pilipinas ang naturang virus.

Alam ninyo, walang bagong uri ng coronavirus sa kasalukuyan, maliban sa COVID-19. Eh, ano raw itong ibinalita ng mga health expert sa naganap na cabinet meeting sa palasyo ng Malakanyang tungkol sa bagong variant ng SARScov2.

Tulad ng aking binanggit, walang bagong virus na naitala ang World Health Organization (WHO) sa kasalukuyan. Ito kasing si COVID-19 ay nagagawang kopyahin ang kanyang sarili sa paraang mutation, o pagbago ng kanyang hitsura, pero si COVID-19 pa rin siya.

Eh bakit daw kokopyahin pa ni covid ang kanyang sarili gayong malaya naman iyong nakapaghahasik ng sakit. Bakit daw hindi na lang siya manatili sa kanyang kalagayan habang hinihintay ang bakuna na pupuksa sa lahi niya.

Ayon sa mga eksperto, ang mahigpit na kalaban ng COVID-19 ay ang antibodies na likas na sa katawan ng sinumang tao. Sila ang mga likas na depensa ng ating mga katawan. Tinawag din sila na mga sundalo sa loob ng ating body system dahil sila ang frontliners na umaatake sa nga kalabang sumisira sa internal organs ng tao at nagpapahina sa resistensiya nito.

Tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na nagbabantay sa ating bansa at sa soberenya nito, ang antibodies din naman ang ating mga guwardiya laban sa foreign invaders na nanghimasok sa ating mga katawan tulad ng viruses, bacteria, fungi o kaya parasito. Ang mga mikrobyong ito ang sanhi ng mga karamdaman ng tao.

Balik tayo sa look alike ni COVID-19, sinabi ng mga eksperto na nakapag-mutate na ang mga ito at nag-aabang ng mga tao na kanilang masasakyan upang sa mga destinasyon na pupuntahan ng mga tao na kanilang kinapitan ay doon sila magpaparami.

Tamang nasa UK pa ang mga kaanyo ni COVID,  pero walang makapagsasabi na hindi nila magagawang makapupunta dito sa Pilipinas, o sa iba pang mga bansa na kanilang nais puntahan. Pero huwag magpapanik ang mga kababayan natin dahil kung ano ang lakas ni COVID ay wala naman umanong ipinagkaiba iyong bagong COVID sa mga kapatid niya.

Ang ipinagkaiba lang ng bago sa luma ay mas mabilis umanong makahawa ang bagong strain ng COVID-19, kumpara sa dati. Kaya habang wala pa sa Pilipinas ang bagong strain ng COVID ay paghandaan na natin ito. Huwag maging kampante at sundin ang lahat ng health protocols. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here