COVID-19: Nagbabago ng anyo

0
293
Opinion Column by Manny Camua Dela Cruz

MALAKI ang pagkakaiba ng bacteria at virus. Sa hitsura at timbang ay nagkakaiba ang virus at bacteria. Ang karaniwang hugis ng bacteria ay hugis kapsula at mayroon din namang hugis bilog samantalang ang viruses tulad ng flu virus, HIV virus at Hepatitis virus ay hugis bilog na may mga spikes na nakapalibot, tulad ng Covid 19 virus na naghuhugis korona sa taglay nitong mga spikes. Ang naiba lang ng hugis sa hanay ng viruses ay ang Ebola virus na anyong bulate.

Ang pina kontrobersiyal na uri ng virus ay itong Sars-Cov-2 isang uri ng coronavirus na binigyan ng pangalan ng World Health Organization (WHO) na Covid 19. Ang virus na ito ay natuklasan noong December 2019 sa Wuhan, China.

Mabilis itong lumaganap hanggang sa nakarating sa Pilipinas, at nitong January 30, 2020 ay naitala ang kauna-unahang kaso ng Sars-Cov-2 sa ating bansa sa katauhan ng isang 38-anyos na Chinese national na dumayo yata dito sa bansa pero lingid sa kanyang kaalaman, infected na pala siya ng Sars-Cov-2.

Mula noon, dumami nang dumami ang mga Pilipinong tinamaan ng Covid 19 na sa kasalukuyan ay mayroong mahigit 160 libo ang kaso ng Covid 19 sa Pilipinas, samantalang higit sa 20 milyong katao sa buong mundo ang naging infected ng killer virus.

Dahil dito, nagkukumahog ang mga imbertor ng gamot sa mga mayayamang bansa sa mundo sa pagtuklas ng bakuna kontra Covid. Itong Russia ay maagang nag-alok sa Pilipinas na ibilang nila ito sa mga bansa na pagdarausan ng ika-3 clinical trial ng tuklas nilang Sputnik V vaccine na panlaban sa coronavirus.

Sa puntong ito ay marami sa ating nga kababayan ang nalilito dahil sa napaulat na balita na narito raw sa Pilipinas ang bagong porma o anyo ng Covid 19 na may mutation code na G614. Ang lumang virus strain kasi ng virus na ito ay D614. Paano kaya kung ang pinagbasehan ng mga imbentor ng vaccine ay ang D614 strain?

Kung ang new strain ng Covid 19 na nandito ngayon sa Pilipinas na G614 at ang mga bakuna idinedebelop ng mga bansang China, United States, Japan,  Russia at iba pa ay nakabase sa strain na D614, magkakabisa pa kaya ang naturang mga bakuna sa nag-mutate o nagbagong-anyo na Covid 19 sa Pilipinas?

Ang sakit na trangkaso o flu, ay mayroong mga uri at ang pinaka-common type ng flu ay ang A at B, na kapamilya rin ng coronavirus.  Ang dalawang iyan na kilala sa tawag na H1N1. Pero may mga subtypes pa ang A at B kaya hindi natin alam sa panahon ng trangkaso (flu season) kung alin sa 198 subtypes ng flu type A at B ang nananalasa na kasabay ng Covid 19.

Kaya nga taun-taon ang pagbabakuna ng flu vaccine dahil maraming klase ang flu virus. Hindi pwede na iturok ang bakuna para sa type A sa flu season ng type B. Tulad nitong Covid 19, nagmu-mutate o nag-iiba ng anyo ang Covid virus tulad ng napalathala kamakailan na G614 na umano ang tipo ng Covid 19 na nandito ngayon sa Pilipinas na mas mabilis ang pagkalat kaya mabilis din ang paghahawahan.

Abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata ng pandemya na dulot ng Covid 19 at kung ano ang kahihinatnan ng isasagawang clinical trial ng Russia sa tuklas nilang Sputnik 5 vaccine. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here