COVID-19 sa Bulacan patuloy na lumulobo ang bilang

0
195

SA kabila ng mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay patuloy pa rin ang paglobo ng bilang ng mga positibo sa naturang sakit.

Halos araw-araw ay may nadadagdag na pasyente na positibo sa COVID-19 kung hindi nakarekober ay namamatay.

Base sa naging ulat ng Bulacan Provincial Health Office (PHO) as of 4 p.m. nung August 1, 2020 ay pumalo na sa 1,463 kaso ang may coronavirus sa Lalawigan ng Bulacan.

Sa naturang bilang ay 964 dito ang active cases, 450 ang recoveries habang 49 ang namatay. (Masyado na pong alarming ang bilang nito)

Hindi na biro ang nangyayari sa ating lalawigan dahil sa buong rehiyon ng Central Luzon, tayo ang may pinakamaraming kaso na aabot sa 1,226 na sinundan ng Bataan at Pampanga habang COVID-19 free naman sa probinsya ng Aurora.

Sa Bulacan, as of August 1 ay nangunguna na may pinakamaraming kaso ang Lungsod ng San Jose del Monte na may 372 cases na sinundan ng Malolos na may 178 na kaso at Marilao na may 157 cases.

Ang mga datos na ito ay mga naisumiteng laboratory results at bineripeka ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU).

Sa kabilang ng lahat ng ito ay patuloy na gumagawa ng mga paraan ang Pamahalaang Panlalawigan pangunguna ni Gov. Daniel Fernando upang masugpo o mataboy ang nasabing nakakahawang sakit.  

Patuloy ang pagpapaalala ni Gov. Fernando na laging mag-ingat at huwag nang lalabas ng bahay kung hindi naman kailangan. Palagiang maghugas ng kamay, magsuot ng face mask at face shields at panatilihin ang social distancing sa lahat ng pagkakataon.

Kaya madalas kong itanong sa aking sarili ay kung mas bumabagsik ba ang coronavirus o lubhang pabaya at pasaway lang ang mga tao?

Hindi humihina at nawawala ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa halip ay patuloy pa rin itong nakakahawa.

Kailangan na natin ng disiplina upang masugpo natin ang salot na dulot ng COVID-19.

Kailangan na nating magtulungan at magkaisa sa pagsunod sa mga tinatagubilin ng gobyerno para maagapan at mahadlangan ang pagkalat ng COVID-19.

Kaya ugaliing dumistansiya sa ating mga katabi kung ayaw nating malagyan ng tubo sa bibig at lalamunan gawa ng ventilator.

Isama na rin natin sa ating pagdarasal na sana ay matapos na ang lahat ng ito.

Sama-Sama at kaya natin ito!

Hanggang sa susunod na isyu po ng RONDA Balita, ang Lingguhang Pahayagan ng masang Bulakenyo.

Para sa ibang balita, maglog-on sa www.rondabalita.news.

Babu!  

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0917-205 -3350. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here