Curfew at liquor ban, muling ipinatupad sa Bulacan

0
106
TAKLESA, an opinion column by Roseth Reyes

SA kabila ng pagdating ng mga bakuna sa ating lalawigan ay patuloy pa rin ang paglobo ng kaso ng nakamamatay na Covid-19 at ang matindi nito ay napakabilis ng pagdami ng mga nagpopositibo.

Sa isang iglap lang ay nadodle na agad ang bilang ng mga may kaso nito sa halos lahat ng bayan at lungsod dito sa Bulacan at tila naulit lang ang nangyari noong nakaraang taon na dagsa ang mga nagka-infection.

Kaya biglang naalarma ang mga namumuno sa ating lalawigan sa pamumuno ni Gov. Daniel R. Fernando at bigla itong naglabas ng Executive Order No. 8, series of 2021 na naglalaman ng muling pagpapatupad ng curfew simula alas 11:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng umaga; at liquor ban sa buong lalawigan kabilang ang pagbebenta, pagbiyahe, at pag-inom ng alak at iba pang nakalalasing na inumin sa paglalayong mapigilan ang pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa lalawigan.

Ayon pa sa naturang executive order, muli ring magkakaroon ng mga border quarantine checkpoints at ipatutupad dito ang border control policies upang epektibong mapigil ang pagkalat ng naturang virus sa mga kritikal na lugar sa lalawigan.

Hindi ko rin lubos maisip kung bakit bigla ang paglobo ng bilang kaso ng Covid-19 maliban sa katigasan ng ulo nating mga Pilipino.

Isinisisi ang pagdami ng kaso sa mga pasaway na hindi nagsusuot ng face mask at face shield at sa kawalan ng social distancing.

Naging kampante ang nakararami marahil dahil sa pagdating ng bakuna kaya dumami ang mga naglilimayon at ganundin ang mga nag-iinuman sa kalye.

Nanumbalik ang mga nagre-reunion ng mga magkakaanak at ang pagseselebreyt ng birthday na ginagawa pa sa harap ng bahay. Bukod sa inuman ay mayroon pang kantahan. Pasa-pasa ang mikropono. Marami ang atat na kumanta.

Dahil may alak, masarap ang huntahan at kantahan. Dahil sa kalasingan, wala na ang health protocol na laging pinaalala ng mga awtoridad. Hindi na nagsusuot ng face mask at wala nang physical distancing. Dito na sasamantalahin ni Covid.

Kaya tama lamang ang pasya ni Gov. Fernando na magkaroon ng uniform curfew mula 11 p.m. hanggang 4 a.m. Ang mga lalabag ay parurusahan. Ang mga nagtatrabaho sa mga restaurant at deliveries ay nararapat magpakita ng company IDs at iba pang pagkakakilanlan. Dahil sa pagpapa­tupad ng curfew, tiyak nang wala nang maglilimayon at mag-iinuman sa kalye.

Ipinagbawal na rin sa sa buong Bulacan ang pagbebenta, pagdala ng alak para masawata ang pagdami ng Covid cases. Kung walang alak tiyak na walang magtitipun-tipon at siguradong walang transmission ng virus. Period!

“Nakaya na po nating pababain ang kaso ng COVID sa ating lalawigan at naniniwala po ako na makakaya muli natin itong magawa. Basta tayo ay magtulungan, sumunod sa mga health protocols at makiisa sa ating pamahalaan upang sa pagkakataong ito ay tuluyan na nating mapuksa ang virus na ito,” anang gobernador.

Hanggang sa susunod na isyu po ng RONDA Balita, ang Lingguhang Pahayagan ng masang Bulakenyo.

Para sa ibang balita, maglog-on sa www.rondabalita.news.

Babu!  

Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0917-205 -3350. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here