Home Top Story Daan-daang riders, nakiisa sa anti-illegal drugs campaign ng Guiguinto police

Daan-daang riders, nakiisa sa anti-illegal drugs campaign ng Guiguinto police

471
0
SHARE

NAKIISA ang humigit kumulang 600 riders mula sa iba’t ibang motorcycle group para suportahan ang paglulunsad ng Ride Against Illegal Drugs & Syndicates o RAID ng Guiguinto police kaninang umaga.

Ang RAIDS ay kasama sa kampanya laban sa iligal na droga sa ilalim ng Oplan Golden Shield ng bayan ng Guiguinto katuwang ang TV Crew Rider Organization.

Ayon kay P/Supt. Orlando Castil Jr., layunin ng Ride Against Illegal Drugs & Syndicates o RAID ay masawata hindi lang ang iligal na droga sa barangay kundi maging ang mga undocumented motorcycles.

“After nitong paglulunsad ng RAID, papasukin na namin ang mga barangay na sakop ng bayan ng Guiguinto para alamin kung meron pang mga gumagamit o nagtutulak ng iligal na droga. Kaalinsabay nito ay ang pagdidikit ng sticker sa mga motorsiklo sa barangay. Kapag walang sticker at napatunayan namin na wala itong kaukulang papeles ay agad namin itong mai-impound,” ani Castil.

Dagdag pa ng masipag na hepe ng nabanggit na bayan, “kapag may sticker na ang motorsiklo ay hindi na ito aabalahin pa sa mga police checkpoints dahil kapag nakita ng lokal na pulis ang nabanggit na sticker ay ibig sabihin na malinis ito at may kaukulang papeles.”

Pati si Mayor Ambrosio “Boy” Cruz ay sinuportahan ang kampanya na lokal na pulisya sa bayan ng Guiguinto.

“Isa itong magandang inisyatibo ni Hepe Castil dahil malaki ang magagawa nito upang tuluyan ng masugpo ang iligal na droga sa aming bayan,” ani Mayor Cruz.

Dagdag pa ng alkalde, “pinupuri ko ang kapulisan ng Guiguinto dahil sa mga kampanya laban sa iligal na droga at kasama nila ako at nakasuporta sa laban nila sa droga.”

Ang Ride Against Illegal Drugs & Syndicates ay maagang nag-umpisa at naglibot sa ilang barangay ng Guiguinto upang ipaalam sa mamamayan na may kampanya laban sa iligal na droga gamit ang mga motorcycle riders at bigyan na rin ng babala ang mga natitira pang gumagamit at nagbebenta ng iligal na droga sa nabanggit na bayan.

Iginiit pa ni Castil sa mamamayan ng Guiguinto na pumunta na sa kani-kanilang barangay o sa police station para palagyan ng sticker ang mga motorsiklong ginagamit ng sa ganun ay hindi na ito maabala o sitahin sa mga police checkpoints.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here