Home Featured Story Danny Florencio: Ang ‘orig’ na skywalker

Danny Florencio: Ang ‘orig’ na skywalker

473
0
SHARE

ANG Philippine Basketball Association (PBA) ay hitik sa makukulay na kasaysayan ng mga sikat na manlalaro ng liga sa iba’t ibang panahon. May mga manlalaro ang PBA na tinaguriang skywalker tulad nina Danny Florencio, (Danilo Zoleta Florencio) Johnny Abarrientos, Samboy Lim at iba pa.

Ang mga basketbolistang ito ay kinilala sa kani-kanilang mga katangian na mistulang lumilipad sa ere. Kaya nga tinawag na “The Flying A” si Johnny Abarrientos dahil nagagawa niyang tumagal sa ere habang inile-lay-up ang bola.

Gayundin naman si Samboy Lim. Marami siyang pinahangang basketball fans sa kanyang mga acrobatic shot kaya naman binansagan siyang ‘skywalker’, lalo na sa slum dunk competition.

Tulad ng ibang PBA players, si Danny, nagsimula ang kanyang basketball career sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa kanilang team na UST Growling Tigers.

Hindi karaniwang basketbolista si Danny. Gusto niya na kakaiba sa karaniwan bagay na palaging napapansin ng kanyang coach sa Tigers. Paborito ni Florencio ang kakaibang estilo sa pagle-lay-up ng bola. Pinaglilipat-lipat niya ang bola sa kaliwa at kanang mga kamay.

Nagagawa rin niyang ilipat ang bola sa kabilang kamay na sa likod pararaanin habang siya ay nasa ere. Ang kakaibang aksyon na gustung-gusto na makita ng kanyang fans ang pag-lay-up ng bola na mula sa likuran ay pararaanin ang bola sa pagitan ng kanyang mga hita — kukuhanin ng kaliwang kamay, ililipat muli sa kanang kamay saka ihahagis sa ring ang bola. Sa gayong aktibidad nasasabihan ng coach si Danny na: “ Gusto mo bang magpalabas sa circus?”

 

MULA SA UAAP HANGGANG SA MICAA

Bago natatag ang PBA, ang Manila Industrial and Commercial Athletic Association (MICAA) liga ng basketball ba namamayagpag noon. Ilan sa mga koponan na kalahok sa liga ang Crispa Redmanizers, Meralco Reddy Kilowatt, YCO Painters, 7-Up Uncolas, Universal Textiles at iba pa.

Ang dalawang team mahigpit na magkaribal sa MICAA ay ang Crispa at Meralco. Si Florencio ay kabilang sa Redmanizers, samantalang sa Reddy naman kalahok ang karibal niyang player sa UAAP, si Robert Jaworski.

Sa Painters naman kabilang si Freddie Webb, isa sa mga sikat na players ng MICAA, ng panahong iyon. Nakapaglaro rin si Florencio sa YCO. Sa tuwing may laban ang Meralco at Crispa, punung-puno ng fans ang Araneta Coliseum.

Nagsisigawan ang mga tagahanga ni Danny, kapag ito ay nakakapagbuslo ng bola sa ring. Lalo pa’t nagawa niyang mag-shoot gamit ang estilo na mistulang lumalakad sa ere.

“Iyang si Florencio, ang orig na ‘skywalker’. Palagi siyang bukambibig ng kanyang mga tagahanga at sasabihin pang si Danny, nagsaing na naman sa ere!” Anang beteranong PBA sports phographer na si Max Ferrer.

Kahit nga harangin pa siya ng center player ng Reddy, ang 6’11 na si Bob Presley, ay nagagawang lusutan ni Danny ang mahahabang pata ng import player ng kalabang koponan.

 

NAGRETIRO SA PANAHON NG PBA

Palibahasa ay mahusay, nakasama rin si Florencio sa national team.

Nagwagi ng gold medal ang Pilipinas noong 1967 sa ABC Championships na ginanap sa Tokyo, Japan. Naging daan ang tagumpay na iyon upang makalahok ang Pilipinas sa Summer Olympics na ginanap sa bansang Mexico noong 1968 at kalahok din ang Pilipinas sa Munic Olympics noong 1971.

Nang matatag ang PBA, kimuha ng U/Tex Wranglers si Florencio. Kasama niya sa team sina Rudolph Kutch at Larry Mumar, na kapwa may malaking pangalan sa MICAA.

Ang iba pang team na nilahukan ni Danny ay ang Toyota Super Corollas at 7-Up. Kahit hindi kasing tanyag ng Meralco at Crispa ang mga team na nilahukan ni Danny, hindi pa rin maikakaila ang angking galing na taglay ng skywalker.

Sa loob ng walong season sa PBA, napanatili ni Danny ang pagiging highest pointer player na may avarage na 32.3 points sa bawat laro sa loob ng 39 games. Nakapagtala rin siya ng 64 points sa isang conference sa liga. Ang record ni Florencio ay tinabunan ni Allan Caidic, ang tinaguriang “The Triggerman”, ng PBA.

Nang magretiro sa basketball si Danny, nangibang-bansa siya at doon naghanapbuhay. Pagbalik niya sa Pilipinas, napabilang siya sa 25 PBA Greatest Players ng 2000, at ibinilang sa PBA Hall of Fame noong 2007. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous articleIka-119 pagkatatag ng Republika ng Malolos
Next articleBagong opisina at passport-on-wheels, ikakalat ng DFA
SI Manny Camua Dela Cruz ay hindi nag-aral ng kursong dyornalismo, subalit naging bihasa sa pagsusulat ng balita, lathalain at sanaysay. Ang kanyang talento ay pinanday ng mahabang karanasan sa larangan ng pamamahayag: Photo journalist sa simula; kalaunan ay naging provincial correspondent ng iba't ibang mga pahayagang nasyonal, naging reporter ng national dailies sa Kamaynilaan at naging editor ng national tabloid, naging editor ng national weekly news magazine. Sa kasalukuyan ay editor/editorial consultant ng ilang provincial-based newspaper sa Bulacan, kolumnista at contributing editor/writer nitong Ronda Balita Online/Weekly Newspaper.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here