Home Editorial Dapat may managot sa maling paggamit ng taunang pondo

Dapat may managot sa maling paggamit ng taunang pondo

565
0
SHARE

NITONG nakaraang Linggo ay naging sunud-sunod ang mga ulat na inilabas ng Commission on Audit kaugnay ng kanilang mga pagsusuri sa pondo ng mga ahensiya ng gobyerno.

Hindi nakaligtas sa kanilang mga pagsusuri ang mga iregularidad o anomalya sa naging audit report ng mga tanggapan.

Kabilang dito ang resulta ng pagsusuri sa pondo ng Senado, Department of Health (DOH) at Department of Labor and Employment (DOLE) noong nakaraang taon.

Nanggagalaiti umano ang ilang senador sa ulat na sobra-sobra ang kanilang office supplies kagaya ng rolyo-rolyong toilet paper ang naiulat ng COA.

Maliban pa ang mga gamit sa opisina na binili subalit hindi naman nagagamit.

Pinuna din ng COA ang DOH na tadtad ng iregularidad sa kanilang Health Facilities Enhancement Program.

Mayroon ding mga biniling gamot na mag-e-expire na at mayroon din mga kontratista na may pangit na record ang nabigyan pa umano ng proyekto ng nasabing kagawaran.

Inisa-isa rin ng COA ang mga iregularidad sa mga proyekto ng Department of Labor and Employment kabilang ang bilyong pisong pondo para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers and Kabuhayan Programs.

Hindi rin nakaligtas sa mapanuring mata ng nasabing ahensiya ng gobyerno ang provincial government Bulacan na mas inuna pa umano magpagawa ng mga basketball court na milyon ang halaga. Galing umano sa Special Education Fund (SEF) ang naturang pondo na dapat sa pagpapagawa ng mga classroom itinuon dahil may kakulangan sa silid aralan ang lalawigan.

Kung pagbabatayan ang ulat ng COA ay marami talagang iregularidad sa paglustay ng pondo ng gobyerno. Hindi nasusunod ang tamang proseso.

Dapat ay may managot sa maling paglustay ng pondo. Kung mali ang pinaggamitan ay ipaliwanag. Kung may nagmalabis ay mapanagot sa batas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here