Home National News DILG suportado ang pagbibigay ng armas sa mga kapitan bilang self-defense

DILG suportado ang pagbibigay ng armas sa mga kapitan bilang self-defense

261
0
SHARE

SUPORTADO ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panukala ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na armasan ang mga punong barangay bilang proteksyon sa kanilang sarili depende sa bigat ng banta sa kanilang sariling kaligtasan.

Ipinaliwanag ni DILG Officer-in-Charge Sec. Eduardo M. Año na ang pag-aarmas sa mga punong barangay ay mainam na plano lalo na kung madalas silang nakatatanggap ng mga banta sa kanilang buhay kasama na din ang bantang kinakaharap ng barangay sa mga sindikato ng iligal na droga at mga terorista.

“Bilang ating unang hanay ng depensa sa grassroots, napakataas ng kanilang exposure sa iba’t ibang uri ng masasamang-loob at mga kriminal. Dahil dito, sila ay nangangailangan ng agarang proteksyon,” ani Año.

“Kaya ang pag-aarmas sa kanila ay para lamang sa pagtitiyak na maipagtatanggol nila ang kanilang sarili gayongkatulong naman natin ang ating kapulisan sa paglaban sa mga masasamang-loob,” dagdag pa niya.

Ayon kay Año, maaaring bumili ang mga punong barangay ng kanilang mga personal na baril at maaari din silang bigyan ng “permit to carry” upang kanilang maipagtanggol ang kanilang sarili.

Ang mga punong barangay, aniya, ay maaari ding matanggap at maitalaga bilang CAFGU o Special Civilian Armed Forces (SCAA) upang maisyuhan sila ng baril ng pamahalaan at mission orders.

“Bilang CAFGU o SCAA, maaari silang makatulong sa mga yunit na nagpapairal ng batas sa pagsugpo sa mga masasamang-loob na malaking banta sa buhay ng mga taong kanilang isinumpang pagsilbihan at protektahan sa barangay,” paliwanag niya.

Noong nakaraang Martes, sa malawakang panunumpa sa tungkulin ng mga punong barangay sa Gitnang Luzon, ipinahayag ni Pangulong Duterte na pinag-iisipan niyang bigyang pahintulot ang pagbibigay ng baril sa mga punong barangay bilang proteksyon sa malawakang paglaban sa iligal na droga at kriminalidad.

Ayon kay DILG Assistant Secretary at Spokesperson Jonathan Malaya, ang nasabing polisiya ay susuportahan ng panuntunan mula sa DILG na titiyak ng tama at maayos na implementasyon nito.

“Tinitingnan naming ang posibilidad nito dahil pinag-aaralan na rin naming ang mga mekanismo upang masiguro ang tamang pagpapatupad nito. Mag-iisyu kami ng direktiba sa takdang oras matapos ding marining ang pananaw ng iba pang mga stakeholder,” ani Malaya.

“Ayon sa Section 387 ng Local Government Code, pinapayagan ang pag-iisyu ng baril sa mga opisyal ng barangay. Nakalagay sa batas na sa pagtupad ng punong barangay sa tungkulin niyang panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa barangay, may karapatan siyang magmay-ari at magdala ng baril sa loob ng kanyang nasasakupang komunidad sa ilalim ng mga regulasyong napapaloob din sa batas. Samakatuwid, mayroon kaming legal na basehan,” dagdag pa niya.

Sa panahong mailabas na ang panuntunan mula sa DILG, aniya, maaari ding mag-isyu ng baril sa mga punong barangay ang mga pamahalaang lokal. “Ngunit ito ay nakasalalay pa din sa panuntunang aming ilalabas,” ani Malaya.

“Sa ngayon, hinihikayat muna namin ang lahat na maging bukas ang isip sapagkat sa huli ay ang kaligtasan at seguridad pa rin naman ng mga residente ng ating mga barangay ang aming pangunahing prayoridad,” pagtatapos ni Malaya. (RONDA Balita Online News)

SHARE
Previous article2 Intsik timbog sa kidnapping, 2 nakatakas
Next articleDemolition ng mga kabahayan sa Caloocan, nasindikato?
A team of journalist came up with a newspaper that would complement the fast-paced development now happening in the country. Presently, social media, online news, and other multimedia press centers are active nowadays and the people behind RONDA Balita, Lingguhang Pahayagan ng Masang Intelihente created a modern digital news site whose products include newsfeeds, online news releases and advertisements and it is entitled RONDA Balita Online News.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here