Home News Report DSWD nagsagawa ng Donors’ Forum para paigtingin ang pagsugpo sa pamamalimos

DSWD nagsagawa ng Donors’ Forum para paigtingin ang pagsugpo sa pamamalimos

804
0
SHARE

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Tinipon kamakailan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang iba’t-ibang sektor para sa isang Donors’ Forum upang paigtingin ang pagtutulungan sa pagsugpo ng pamamalimos sa Gitnang Luzon.

Pangunahing layunin ng nasabing forum na makuha ang suporta hindi lamang ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan, kundi pati na rin ang mga pribadong institusyon, civil society organizations, mga organisasyong nakatuon sa pananampalataya, at akademya, upang hikayatin ang mga katutubong tumigil na sa kanilang pamamalimos sa mga kalsada.

Ayon kay DSWD Regional Director Gemma Gabuya, hindi lamang ito responsibilidad ng mga nasa pamahalaan, kung kaya sa pamamagitan ng Donors’ Forum ay binubuksan nila ito sa pribadong sektor sapagkat naniniwala siya na lahat ng institusyon ay may kanya-kanyang mag serbisyo at programa na makaaambag sa tagumpay ng nasabing adbokasiya. 

Nabanggit din ni Gabuya na kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga katutubong namamalimos sa pagsapit ng ‘ber months’ bilang bahagi ng kanilang pamamasko.

Aniya, hindi naman ipinagbabawal ng DSWD ang pamamasko dahil isa na itong tradsiyong Pilipino.

Ang nais lamang ng ahensya, ayon sa direktor, ay ihatid ang mensahe sa komunidad na maaaring gawin ang pamamasko o pamamalimos sa mga angkop na lugar at sa paraang hindi mapanganib para sa mga katutubo.

Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga katutubo sa mga lumahok sa nasabing forum dahil isa itong paraan ng pagpapakita ng malasakit sa kanilang mga karapatan at kapakanan.

Ayon kay Ricardo Guiao, isang katutubong pinuno mula sa Floridablanca, bukod sa mga outreach activities na nais isagawa ng mga organisasyon sa kanilang lugar, nais nilang hingin ang tulong ng mga ito upang makapagsimula sila ng kabuhayan sa kani-kanilang mga komunidad at mapamahalaan ito nang maayos.

Aniya, sa ganoong paraan ay magkakaroon sila ng permanenteng hanapbuhay at mababawasan ang mga namamalimos na katutubo.

Sa pagtatapos ng nasabing aktibidad, nagpahayag ng suporta ang kinatawan ng bawat kumpanya at institusyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng pera at mga regalo, gayundin ng kanilang mga programa at serbisyo, upang makamit ang zero mendicancy rate sa Gitnang Luzon.

Dumalo rin sa pagtitipon ang mga miyembro ng Task Force Kalinga: Sagip Katutubo kabilang ang National Commission on on Indigenous Peoples, Philippine Information Agency, Department of the Interior and Local Government, Office of the Civil Defense, Philippine National Police, Commission on Human Rights, Department of Health, Department of Labor and Employment, Technical Education and Skills Development Authority, National Economic Development Authority at Department of Agriculture.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here