Farm Resort sa Baliwag, ginawang Learning Site ng ATI-TESDA

0
75
Makikita sa larawan ang isang bahagi ng bagong bukas na Farm Resort sa Baliwag, Bulacan na pinagkalooban ng Agricultural Training Institute (ATI) at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang isang Learning Site of Agriculture. (Kuha ni Shane F. Velasco)

BALIWAG, Bulacan — Deklarado na ng Agricultural Training Institute (ATI) ang TGI Technical School Inc. bilang isang Learning Site of Agriculture. Isa itong farm resort na nasa tabi ng ilog Angat sa Barangay Sabang dito sa nasabing bayan.

Kasabay nito, sinertipikahan din ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang nasabing farm resort bilang isang official training school ng ahensiya sa ilalim ng Training for Work Program. Ayon kay Rosario Bautista, school administrator ng TGI Technical School Inc., may inisyal na 26 na mga magsasakang taga-Baliwag ang unang nag-enroll para magsanay sa larangan ng organikong pagsasaka.

Magbibigay din ang A.T.I. ng mga training components sa mga kursong pagsasaka na binuksan dito. Ibig sabihin ayon kay Veronica Concepcion V. Esguerra, center director ng A.T.I. sa gitnang Luzon, sasanayin nila ang mga magiging trainer nitong farm resort upang matiyak ang mataas na antas ng kasanayan sa mga kursong kinuha.

Ang mga magsisipagtapos sa mga kurso rito ay makakatamo ng national competitiveness second level o NC-II. Kabilang na riyan ang kurso sa organic Vegetable farming, organic Chicken farming, organic Goat farming at organic Pig farming. Nakatakdang matapos ang unang serye ng training sa loob ng 230 na mga araw.

Hinikayat naman ni TESDA-Bulacan Provincial Director Jovencio M. Ferrer ang farm resort na ito sa Baliwag na magbukas din ng kurso sa Fisheries upang makatulong sa pagpapalakas pa ng produksiyon ng yamang dagat ng lalawigan. Handa aniyang magkaloob muli ng Training for Work Scholarship ang TESDA sa mga kukuha ng kasanayan sa Fisheries.

Kaugnay nito, bukod sa kasanayan sa pagsasaka, mayroon ding pasilidad ang farm resort na ito para sa mga turistang nais mag-staycation, magsagawa ng mga conventions and congresses at anumang mga pampamilyang okasyon.

Samantala, pinayuhan naman ni Provincial Agriculturist Gloria Carillo ang unang mga magsasakang benepisyaryo na kumuha rin ng mga pagsasanay sa A.T.I. tungkol sa lalo pang pagpapalakas ng ani ng Palay. Libre rin ito dahil may nakahandang pondo para rito mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here