Final Leg ng MCDN Chess Tournament, dinumog ng mga kabataan 

0
2317

DINUMOG ng mga kabataan na pawang mahihilig sa larong ahedres na nagmula pa sa iba’t ibang lugar sa bansa ang lumahok sa katatapos lang na Final Leg Mayor Christian D. Natividad Rapid Chess Championship na ginanap sa Malolos Sport and Convention Center kamakailan.

Ang ceremonial 7 moves nina Mayor Christian D. Natividad at Grandmaster Eugene Torre bilang pormal na pagsisimula ng Final Leg MCDN Rapid Chess Championship kamakailan.

Dumating bilang panauhin pandangal ang Asia’s first Grandmaster na si Eugene Torre kasama ang kanyang maybahay.

Sinabi ni Torre, na malaki umano ang naitutulong ng paglalaro ng chess para ang atensyon ng mga kabataan ay hindi matuon sa iligal na droga.

“Masaya ako dahil sa aktibo ang alkalde ng lungsod ng Malolos na si Mayor Christian D. Natividad sa pagbibigay ng suporta sa larangan ng chess,” ani pa ng grandmaster.

Pormal ng binuksan nina Malolos City Mayor Christian D. Natividad at Asia’s first Grandmaster Eugene Torre ang Final Leg MCDN Rapid Chess Championship na ginanap sa MSCC kamakailan. Nasa larawan din sina Tournament Director Coach Reden Cruz at Toti Villanueva, City Sports Director.

Nanggaling naman sa iba’t ibang probinsiya ang 274 chess players na lumahok sa final leg ng naturang tournaments mula sa Pangasinan, Nueva Vizcaya, Zambales, Tarlac, Pampanga, Bataan, NCR, Cavite, Rizal, Laguna, Batangas, at ang pinakamalayo ay player mula sa Marawi City na sya rin nag-kampeon sa 7 Under Age Category.

Ang naturang kumpetisyon sa larangan ng chess ay nagsimula sa 1st Leg noong June 24, 2017 na isinagawa sa SM Marilao na sinundan ng 2nd Leg noong August 26, 2017 at 3rd Leg na pawang ginanap sa Robinson’s Place Malolos at ang 4th MCDN Chess Tournaments na ginanap sa Evennt Center ng SM Marilao.

Ayon kay Mayor Natividad, maituturing umanong biggest rapid chess tournament sa buong bansa ang ginanap na final leg dahil sa pagdayo ng mga player mula sa 11 probinsiya.

Nagbigay si Mayor Christian ng mahalagang mensahe sa mga chess players na lumahok sa naturang chess tournament na inisponsor ng City Government.

“Kaya nabuo itong chess tournaments ay dahil na rin sa pagpupunyagi ni Coach Reden Cruz na lumapit sa akin at humingi ng suporta para buhayin ang larong ahedres hindi lang sa lungsod ng Malolos kundi maging sa buong Bulacan,” dagdag pa ng alkalde.

Ani pa nito, nagsilbi na ring family bonding ito kasi kasama ang mga magulang at mga kapatid ng mga player dahil sa suporta. Ito kasi ang sports na nangangailangan ng mind-conditioning.

Pagtatapos ni Mayor Natividad, “magandang encouragement sa isang bata ang nasabing laro sapagkat dito ay magkakaroon siya ng disiplina, sportsmanship at determinasyon hindi lamang para sa nasabing sports kundi maging sa nais nito paglaki”.

Ito naman umano ang hudyat at pagpapasimula para sa mas malalaking Chess Championships na gaganapin sa ating Lungsod ng Malolos, ayon naman kay Coach Reden Cruz, Tournament Director.

Bilang pampagana sa tournament, nakipagtagisan ng husay si GM Torre laban sa 20 kabataan na sabay-sabay niyang nilaban sa larong chess kung saan na nauwi sa draw ang laban.

Nagpapasalamat rin si Cruz sa suporta na ibinigay ng alkalde ng Malolos na si Mayor Christian D. Natividad dahil muling nabuhay ang chess sa isipan ng mga Bulakenyo.

“Salamat Mayor Christian dahil binuhay mo ang natutulog na chess community sa ating bansa,” dagdag pa ni Coach Reden Cruz.

Samantala, ang pambato mula sa Malolos na sina Jeremiah Luis Cruz ay tinanghal na 2nd Runner Up sa 12 Under Category at nananatiling Top Youngest Girl Player naman si Daniella Bianca Cruz.

Binigyan ni Coach Reden Cruz, Tournament Director, ng replica ng chess pieces sina Toti Villanueva, Eugene Torre at Mayor Christian bilang simbolo ng suporta na kanilang ibinigay sa chess community.

Sa 7 Under Division ay nagkampeon si Al-Basher Buto na sinundan ni Jirah Floravie Cutiyog, 1st runner up; Marc George Cadano, 2nd runner up at Samuel Leonardo Zantua Jr. bilang 3rd runner up.

Sa 10 Under Division ay pinagwagian ni Gabrielle Anne Perez, Nicolas Wilson, 1st runner-up; Marc Caleon, 2nd runner-up at Andrian Cantomayor sa 3rd runner-up habang kampeon naman sa 12 Under Division si Angele Tenshi Biete; Jeremy Marticio, 1st runner-up; Jeremiah Cruz, 2nd runner-up at Reign Vinuya, 3rd runner-up.

Sa 14 Under Division, tinanghal na kampeon si Gwyneth Perez, John Bravo, 1st runner-up; Mel George Cadano, 2nd runner-up at Eivane Jacob Cruz sa 3rd runner-up habang kampeon sa Non-Master Division si Rico Peralta.

Mga larawang kuha ni ROSETH REYES para sa RONDA Online News  

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here