Home Rebelasyon Ganito nga ba ang mukha ng pulitika sa bayan ni Mang Juan?

Ganito nga ba ang mukha ng pulitika sa bayan ni Mang Juan?

211
0
SHARE

IKAW ba ay isang mamamayan sa bayan ni Mang Juan na nagnanais na pasukin ang daigdig ng pulitika, upang magkaroon ng puwesto at kapangyarihan sa gobyerno na katulad ng Governor, Vice Governor, Mayor, Vice Mayor, Provincial Board Member o kaya naman ay kongresista sa iyong distrito.

Kung hindi pa gaanong kilala sa inyong komunidad, pwede kang mag-konsehal muna ng bayan o kaya ay ng lungsod. Pero kung kilala naman ang iyong angkan at marami kang mga kamag-anak o mga kaibigan, pwede ka ng lumabang Vice-Mayor. Pero kung Mayor naman ang target mo tiyak na mangangailangan ka ng malaking puhunan na pambili ng boto.

Pero hindi bale sulit naman ang magagastos mo kapag nanalo kang Mayor. Mababawi mo naman ang lahat mga nagastos mo kapag nakaupo ka na, dahil marami kang magagawang mga raket sa iyong mga proyekto para kumita ng pera at ng mabawi mo naman ang mga nagastos mo sa panahon ng eleksiyon.

Mainam din ang puwesto ng Provincial Board Member dahil walang gaanong intriga, kaya lang maliit lang ang kita kapag rumaket ka sa mga proyekto mo; At saka tiyak na hahatian mo pa ang mga miyembro ng iyong komite, kasi baka kumanta sila at mabuko ka.

Maganda rin ang puwesto ng Vice Governor medyo malaki-laki na rin ang kita sa mga pangraraket, pero wala na sigurong sasarap pa sa puwesto ng pagka- gobernador ng isang probinsiya dahil kopong-kopo mo ang lahat ng mga provincial project.

Nariyan ang mga kalsadang buo pero sisirain ng DPWH para gawin, sa  mga itatayong gusali ng gobyerno, sa mga permit sa quarry at marami pang iba. O, di ba ang daming pera niyan?

Kung ang pamilya mo naman ay talagang kilala sa ating lipunan, pwede ka ng lumabang Senador, Bise Presidente o kaya ay Presidente. Kaya lang baka magka-problema ka kapag naka-puwesto ka na sa mataas na level, kasi tiyak na paghihinalaan ka na ninanakawan mo ang gobyerno at makakasuhan ka kagaya ng mga nangyayari sa ngayon.

Ang isa pang maganda sa pulitikang Pinoy eh, kapag nagsawa ka na sa pangrareket este paglilingkod pala, pwede mong iindorso ang asawa mo, ang mga anak mo, ang mga kapatid o kaya ay mga pinsan mo. Pwede rin ang tatay at nanay mo kung interesado, ang tiyahin at  tyuhin mo para kayo-kayo na lang na magkakamag-anak ang magpapatakbo ng inyong lugar.

Ang dami ring option sa pulitika natin. Pwedeng kumandidato ang mga may kaso na nakakulong na, mga rapist, mga murderer, mga drug lords at gambling lords, mga kidnaper at karnaper, ‘yung may mga kabit o maraming asawa at marami pang iba. O di ba, ang sarap talagang pasukin ang pulitikang Pinoy.

Sa pulitika kapag naka-upo ka na, pwede ka ng kumuha ng kabit na artista, model o kaya ay mga beauty pageant, kahit ilan pa gusto mo pwede; At kung may pagka- bading ka namang politician, marami kang magiging poging Papa; At eto pa ang isang maganda sa isang pulitiko kapag nanalo, pwede kang mag-around the world ng libre, kasi ang gagastusin mo ay pera mula sa ibinabayad na buwis ng mga mamamayang Pilipino.

Pero ang masakit sa lahat kapag pumasok ka sa pulitika ay ‘yung madaya ka at matalo, o kaya naman ay manalo ka pero dahil sa kayabangan mo ay makainisan ka ng mga tinalo mong kalaban at ipa-ambus ka. Nasayang na ang pera at pagod mo, patay ka pa.

O Ano, gusto mo pa rin bang pasukin ang daigdig ng pulitika? Aba, eh kung hindi ka na papipigil at talagang gusto mong maglingkod ng tapat sa iyong mga kababayan…eh di sumige ka. Ang dalangin ko na lang sa ‘yo na sana ay  gabayan ng kaitaasan sa tamang daan na iyong tatahakin patungo sa isang tunay at matapat na paglilingkod sa ating bayan.

Excuse me po, bato-bato lang po sa langit ang tamaan huwag pong magagalit!

 

SHARE
Previous articleDepensa ng Pilipinas, Mahina nga ba?
Next articleAng matibay at matatag na tambalan!
EFREN Alcantara Fischer known as “Efren Alcantara” in his pen name, was started practicing by possession as radio reporter of DZTM- AM Radio since 1969 during his college year at the Lyceum of the Philippines. He owned a program “Ang Tinig ng Bulacan” over DWRT AM Radio, “Bangon Bayan” over DWAN- TV13 with Cezar Gregorio and Lingap sa Maralita with Oscar Cruz over DZME- 1530. Until he joined as one of Radio Correspondent of RMN- DZXL Radio assigned in Bulacan where he retired after 25 years in service. He also served as TV Reporter of CLTV 36 in Region 3 and recognized four times as Best Provincial Correspondent of the year of the Bulacan Government. He was also a former newswriter of a three national daily tabloid newspaper namely Dyaryo Bongga, Text Balita and Pilipino Star Ngayon. Presently he managed and control small audio video productions.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here