GeneXpert Lab ng Bulacan Medical Center, lisensyado na ng DOH

0
166

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pinasinayaan na ni Gobernador Daniel R. Fernando ang GeneXpert Laboratory ng Bulacan Medical Center o BMC matapos ipagkaloob ng Department of Health o DOH ang lisensya para makapagsimula na ng operasyon.

Matatagpuan ito sa unang palapag ng BMC kahilera ng Out-Patient Department.

Ayon sa gobernador, makakatulong ang pasilidad na ito upang pabilisin ang proseso sa pagsusuri ng sample ng mga pasyenteng probable at suspect sa sakit na COVID-19.

Binigyang diin pa niya na bukod sa pagpapabilis ng proseso at sistema, madali na ring matutukoy kung sinu-sino ang mga positibo sa COVID-19 at magiging epektibo ang pagsasagawa ng contact tracing.

Paliwanag ni Hjordis Marushka Celis, na siyang mangunguna sa operasyon GeneXpert lab, isinailalim ang mga magpapatakbo nito sa biosafety at biosecurity.

Pumasa rin aniya ang mga ito sa competency assessment gaya ng written proficiency at practical exams.

Isa ang Bulacan sa mga unang lalawigan sa rehiyon na nagkaroon ng GeneXpert na pumasa sa pamantayan na Biosafety Level 2 kaya’t naipagkaloob ng DOH ang lisensiya nitong Hunyo 19 at ngayo’y pinasinayaan.

Ipinaliwanag ni Bernadette Espiritu na isang pathologist, kaya nitong maglabas ng resulta sa bawat isang kaso sa loob ng 45 minuto. Ibig sabihin, kaya nitong magproseso ng 48 swab test samples sa loob ng 12 oras kada araw.

Kaugnay nito, bagama’t taong 2015 pa mayroong GeneXpert ang Bulacan para sa pagtugon sa mga pasyenteng multidrug-resistant sa Tuberculosis o TB, gagamitin ito ngayon para sa pagsusuri na makumpirma kung negatibo o positibo sa COVID-19 ang isang probable o suspect na kaso.

Samantala, dahil ang sakit na TB ang unang dahilan kung bakit nagkaroon nitong GeneXpert ang Bulacan, ipinaliwanag ni Espiritu na hindi naman pinapabayaan ang mga pasyenteng may TB kahit may kasalukuyang pandemya ng COVID-19. Tine-test din aniya ng GeneXpert ang mga sample kung positibo sa sakit na HIV-AIDS, Hepa B at C.

Source: PIA Bulacan / Shane F. Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here