Gov. Daniel Fernando, wagi ang laban sa COVID-19

0
290

NALAMPASAN at napagwagihan ni Governor Daniel Fernando ang kanyang naging sariling laban sa coronavirus.

Hindi umubra ang bagsik ng COVID-19 sa magiting, masipag at kasalukuyang gobernador ng lalawigan ng Bulacan.

Matatandaan na nagpositibo ang gobernador sa COVID-19 nitong nakaraang dalawang Linggo at buong tapang niya itong hinarap at ipinabatid sa mga Bulakenyo.

At makalipas ng 14 na araw na pagka-kwarentina ay nalagpasan ng naturang gobernador ang nakamamatay na sakit.

Nakapanayam ng RONDA BALITA si Gov. Fernando sa katatapos lang na paggunita ng Malolos Congress kamakailan at ito kanyang unang physical appearance mula nang magpostibo sa coronavirus.

Ayon sa gobernador ay mabuti na ang kanyang pakiramdam makalipas ang labing-apat na araw na pakikipagbuno sa COVID-19.

Anito, marahil ay pinagpahinga muna ako ng Panginoong Diyos makalipas ng GCQ, MECQ, balik uling GCQ at sunud-sunod na aktibidades para malabanan natin ang coronavirus.  

Mas pinili umano ni Gov. Daniel na magpagaling sa Official Residence upang malapit sa Kapitolyo at magampanan pa rin niya ang kanyang mga tungkulin.

Nakakagulat si Gov. Daniel dahil sa kabila ng kanyang nararamdaman bunsod ng COVID-19 ay heto at kapakanan pa rin ng mga Bulakenyo ang nasa isip.

Naikuwento ng gobernador ang kanyang naging hirap upang maigupo ang nakamamatay na sakit.

Halos ilang beses siya umanong umiyak kapag nananalangin sa Poong Maykapal hindi dahil siya ay tinamaan ng coronavirus bagkus dahil sa kanyang mga kababayan na tinamaan din ng naturang sakit at nakararanas ng hirap.

“Naiiyak ako kapag naiisip ko ang hirap na dinaranas ng aking mga kababayan ngayong panahon ng pandemya. Ang hirap ng mga tinamaan ng sakit na COVID-19,” ani gobernador.

Dagdag pa nito na sana ay matapos na itong paghihirap natin. Dagdagan natin ang ating panalangin dahil sinusubukan tayo ng Diyos.

Nasambit pa ni Gov. Daniel na tigilan na umano ang siraan dahil sa pansariling interes. Kalimutan ang pulitika at lahat ay magkaisa at magmahalan.

Sama-samang labanan ang COVID-19 saad pa ng gobernador.

*****
Politika sa Bulacan, buhay na buhay!

MAAGANG nagsimula ang pulitikahan dito sa lalawigan ng Bulacan sa kabila na malayo-layo pa ang eleksyon, ’eh, iyon ay kung may magaganap pang halalan ngayong naghihirap ang ekonomiya ng bansa dulot ng pandemya.

Kabila-kabilang demolition job ang lumalabas sa social media. Mga paninira sa kasalukuyang nanunungkulan. Mga pahaging at hindi magagandang pahayag.

Mga post na inilalabas ng mga “troll accounts” sa Facebook na mabilis namang pinaniniwalaan ng mga netizen.

Ito ba ang naging dulot ng pandemya sa ating mga namumuno? Ang magtirahan at magsiraan sa social media.

Trabaho muna po tayo at tigilan na ang pagpapalaganap ng Fake News. Hindi po ito makatutulong sa ating ginagawang laban sa COVID-19.

Ang kailangan natin sa ngayon ay magkaisa at magtulungan.

Sama-samang galaw para sa ikabubuti ng lalawigan at ikapapanalo ng ating laban sa coronavirus.  

Hanggang sa susunod na isyu po ng RONDA Balita, ang Lingguhang Pahayagan ng masang Bulakenyo.

Para sa ibang balita, maglog-on sa www.rondabalita.news.

Babu!  

Kung may tanong, su­hestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0917-205 -3350. (RONDA BALITA Online)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here